NANAMPAL NA PULIS KINASUHAN

CAGAYAN-TULUYAN nang sinampahan ng kaso ang pulis na inireklamong nanampal umano ng dalawang construction worker sa Barangay Centro 2, Sta Praxedes sa lalawigang ito.

Isinampa ang 2 counts ng slander by deed laban kay Cpl Eufrecino Javier Jr. sa Provincial Prosecutor’s Office Sanchez Mira Cagayan na naitala sa NPS Nos. II-2SM-INQ-22G-00038 at 00039 subalit pansamantalang pinalaya matapos itong makapaglagak ng piyansang aabot sa P36,000.

Sa press statement ng Cagayan Police Provincial Office, binigyang diin ni Provincial Director Col. Renell Sabaldica na hindi nila kailanman kukunsintihin ang maling gawain ng mga pulis.

Tiniyak din ni Sabaldica, hindi magpapabaya ang Cagayano Cops sa sinumpaan nitong tungkuling maglingkod at protektahan ang mga mamamayan.

Naganap ang insidente nitong Miyerkules dakong ala-5:30 ng hapon nang sampalin umano ng suspek ang mga biktimang sina Fidel Oroceo at Johnie Balanay matapos umanong mapikon ang nasabing pulis nang tanggihan ito ng isa sa mga biktima sa alok na sigarilyo.

Maliban sa kasong kriminal, mahaharap din si Javier sa kasong administratibo. IRENE GONZALES