BATANGAS CITY- DAHIL sa sama ng loob at itinatagong galit sa sarili nitong magulang, isang anak ang walang awang pinagtataga ang kanyang ama nitong Biyernes ng gabi sa lalawigang ito.
Kinilala ni Lt. Diosdado Pasion, deputy chief of police ng Batangas City ang suspek na si Zoren Comia, 26-anyos, binata at walang permanenteng trabaho.
Ayon kay Pasion, lasing umano ang suspek nang tagain nito ang ama na si Efren Comia , 47-anyos, karpintero at residente ng naturang lungsod.
Base sa pahayag ng suspek sa tanggapan ng pulisya, matagal na umanong problema ng kanilang pamilya ang malimit na pananakit at pagmumura ng kanilang ama sa tuwing nalalasing.
Idinagdag pa nito, hindi na niya umano napigil ang sarili na tagain ang ama nang madatnan nitong sinasaktan na naman ang mga kasama sa bahay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagtamo ng anim na malalalim na sugat sa iba’t- ibang parte ng katawan ang biktima na siya nitong ikinamatay.
amantalang agad namang sumuko ang suspek sa himpilan ng pulisya at sinampahan na ito ng kasong parricide. ARMAN CAMBE