NANETTE INVENTOR: THE FUNNY LADY OF SONGS

Dating jingle singer at back-up vocalist nina Celeste Legaspi, Basil Valdez at Leah Navarro nang madiskubre si Na­nette Inventor ng isang television producer. Nag-perform siya sa isang musical at na-enjoy nito ang husay niya sa pagpapatawa. Binigyan si Nanette ng director ng script at sinabing magpe-perform siya ng live sa television nang linggo ring iyon.

Sumikat siya ng husto sa TV portraying the cha­racter of Doña Buding, isang mayabang na nouveau riche social climber sa The Penthouse Live na nagsimula noong 1983. Hindi siya ang original choice pero naaksidente ang first choice at inirekomenda siya ni Tessie Tomas.

Kahit nakikilala na sa mundo ng pagpapatawa, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagkanta. Nanalo siya ng grand prize sa 7th Metro Manila Popular Music Festival noong 1984, at naging unang Filipina na umawit sa Carnegie Hall sa New York City, kasama ang all-male APO Hiking Society. Pero mas sikat pa rin siya bilang comedianne.

Gumawa rin siya ng mga stand-up shows na may halong comedy at music, kaya tinawag siyang “The Funny Lady of Songs”.

Noong 2012, sumama siya sa UPCC sa kanilang golden anniversary tour sa US, at noong June at July 2016 sumama na naman siya sa Isa pang tour sa US.

Frequent performer siya sa stand-up at music shows sa Pilipinas at sa US, kadalasang Filipino audiences. Marami rin siyang pelikula at television series. Naging university lecturer din siya sa Philippine Christian University sa Ermita, Manila noong year 2000 at nagturo rin sa Wesleyan University Phi­lippines.

Isinilang si Nanette Inventor noong June 23, 1954 kaya 70 years old na siya ngayon. May dalawa siyang kapatid na babae at isang kapatid na lalaki.

Balak niyang pumasok sa diplomatic service nang magsimula siyang mag-aral sa University of the Philippines Diliman, ngunit iba pala ang plano ng Diyos para sa kanya.

Pitong taon pa lamang ay kumakanta na siya sa Simbahan, ngunit nag-train siya sa classical singing. Kasama siya mula 1974 hanggang 1978 sa mga tours ng University of the Philippines Concert Chorus (UPCC) sa US at Europe, kung saan nakasama rin niya si Chinggoy Alonso.

Sa hilig  niya sa pag-awit, naunsyami ang panga­rap ng kanyang amang maging abugada si Nanette. Wala raw kasing pera sa pagkanta.

Kayo na ang humusga.

Nagkamali ba siya?

Kaye VN Martin