CAMP CRAME – HUMINGI ng paumanhin at pang-unawa ang mga tauhan at opisyal ng PNP-CIDG Region 9 nang arestuhin ang maling indibidwal sa katauhan ng kolumnista ng Online Davao Today na si Fidelina Margarita Valle.
Ayon kay Police Col. Tom Tuzon, Regional Chief ng CIDG Regional Force Unit, inaamin niyang kahit hindi 100 porsiyentong sigurado ang kanilang informant sa identity ni Valle ay binitbit pa rin nila ito sa CIDG office sa Pagadian City mula Laguindingan Airport kamakalawa ng umaga sa pag-aakalang ito ang kanilang target na suspek.
Hindi aniya nila naisip na maaring sa airpot pa lamang ay kinuha na agad nila ang identity ni Valle.
Paliwanag pa ni Tuzon, nanigurado lamang ang kanilang tropa kaya ginawa iyon dahil ang hawak lamang daw nila ay warrant of arrest at tanging complainant lamang ang makakatukoy sa identity ng suspek.
Sinabi pa ni Tuzon, nagmula ang impormasyon sa reliable source ng military counterparts kaya agad nilang inaresto si Valle, pero aminado sila na pagkakamali nila ang hindi agad pag-validate sa identity ng subject.
Noong Lunes ay iniutos na ni PNP Chief, Gen. Oscar Albayalde ang pag-iimbestiga para matukoy kung may SOP (standard operationg procedure) na hindi nasunod sa operasyon nang sa ganoon ay mapatawan ng parusa.
REA SARMIENTO
Comments are closed.