MAYNILA – KALABOSO ang isang Cameroon matapos ang tangkang panggogoyo sa isang Chinese ng halagang $16,700 sa loob ng isang Hotel sa Ermita kahapon ng madaling araw.
Hawak na ng Manila Police District (MPD)-General Assignment and Investigation Section (GAIS) ang suspek na si Zeukoue Calvin, 31, isang Camaroon national at nanunuluyan sa Dusit Hotel, Ayala Center, Brgy. San Lorenzo, Makati City.
Ayon sa reklamo ni Zhang Ping Ping, 33, babae, Chinese national at nanunuluyan sa Rm. 321 Rizal Park Hotel, Ermita, Maynila, nahikayat umano siya ng suspek na palitan ng mas mataas ang kanyang dolyar kaya nagpasiya siyang makipagkita at palitan ang hawak na dolyar na nagkakahalaga ng $16,700.
Gayunman, nang ibigay ng biktima sa suspek ang dolyar para palitan ay ginamit nito ang bilis ng kanyang kamay at napalitan ng pekeng dolyar ang pera ng biktima.
Tinangka umano ng suspek na magdahilan para matakasan ang biktima pero napigilan ito ng mga kasama ng biktima na sina Leo Zhange, 49, at Tom Wang.
Kaagad naman tumawag ng pulis ang biktima dahilan para madala ang suspek sa MPD-GAIS.
Nabawi naman ang mga pekeng dolyar at nakatakdang isumite sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa beripikasyon.
Nahaharap ngayon sa kasong Estafa Thru swindling sa ilalim ng Art.315 ng Revised Penal Code at use of false treasury or bank notes and other instruments credit (Art. 168 RPC) sa Manila Prosecutors Office ang suspek. PAUL ROLDAN
Comments are closed.