NANGGULO SA WATTA WATTA FESTIVAL KAKASUHAN

PAPANAGUTIN ni San Juan Mayor Francis Zamora ang mga nanggulo at nanira sa Watta Watta Festival sa ginanap na kapistahan at pagdiriwang ng St. John The Baptist dahil sa ginawang paglabag sa city ordinance at Revised Penal Code (RPC) ng Lungsod.

Sa isang press conference sa San Juan City Hall, sinabi ni Zamora na may hawak silang mga video na nakapost sa social media na nagpapakita ng masamang ugali ng ilang indibidwal na nagsasaboy ng tubig sa mga tao na nasa pampribado at pampublikong sasakyan sa Wattah Wattah Festival noong nakaraang Lunes.

Ayon kay Zamora, titiyakin nila na positibong makilala ang mga nasa video at personal siyang tutulong sa paghahain ng ng kasong direct assault at physical injury at iba pang kaso sa City Prosecutor’s Office laban sa mga nanggulo noong kapistahan.

Sinabi ng punongbayan na ang kapistahan ng St. John The Baptist, dapat sana ay pagdiriwang ng pagbibinyag sa Panginoong Hesuktisto sa ilog ng Jordan subalit nauwi sa kaguluhan.

Inatasan na rin ni Zamora si Association of Barangay Captains President Herbert Chua at si City Police Chief Col. Fam Reglos matapos na i-turn over ang hard drive ng video at positibong kilalanin ang mga indibidwal na nakuhanan ng video na sumira sa imahe at reputasyon ng San Juan City at sa kapistahan ng St. John The Baptist.

Humingi rin ng paumanhin ang punong Lungsod sa mga naging biktima ng panggugulo noong kapistahan.

Samantala, nanawagan si Zamora sa kung sino man ang may hawak pang mga video maaring magsampa ng reklamo na nangyaring gulo or makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan.
ELMA MORALES