MAKATI CITY – INARESTO kahapon ng umaga ng operatiba ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Regional Police Office (RSOG, NCRPO) ang motorista na kasama sa nanggulpi ng dalawang traffic enforcer na nag-viral sa social media kamakailan.
Pinangunahan ni NCRPO Director Guillermo Eleazar ang pag-aresto laban sa suspek na si Arnold Padilla, sa Brgy. Magallanes Village, alas-7:00 ng umaga.
Sa ulat ni Eleazar kay Philippine National Police (PNP) Director Gen. Oscar Albayalde, ang pag-aresto ay sa bisa ng search warrant na inisyu ng Makati City Regional Trial Court (RTC).
Nabatid na habang nagsasagawa ng search ang mga pulis sa bahay ni Padilla, dumating ang dalawang abogado nito na sina Atty. Raymund Fotun at Atty. Virgilio Battalla at kinuwestiyon ang bitbit na search warrant ng mga pulis at sinabing may paglabag umano ang mga ito.
Gayunman, sa bandang huli ay pumayag na rin ang mga abogado nito na buksan ang high- end car ni Padilla na wala namang nakuhang kontrabando.
Habang inaaresto si Padilla ng mga pulis ay nagpatawag ito ng doctor dahil sumama ang pakiramdam nito at nais pa nitong magpa-confine sa Saint Luke’s Hospital sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City, sa una ay hindi naman ito pinayagan ng mga pulis.
Dahil sa iniinda ay dinala na rin si Padilla sa Saint Luke’s Hospital.
Matatandaan na kamakailan ay nag-viral sa social media ang ginawang panggugulpi ni Padilla at ng grupo nito sa dalawang traffic enforcer ng Brgy. Magallanes Village, Makati City matapos sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.