(Nangingikil sa aplikasyon ng PNP) NAGPANGGAP NA PULIS TIMBOG SA CIDG, HPG

ISABELA-ARESTADO ang isang babae na nagpapangap na isang police major sa inilatag na entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela at Highway Patrol Group (HPG) Isabela.

Kinilala ang suspek na si Jebelyn Bungcag, 22-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Turod, Reina Mercedes, Isabela.

Isinagawa ang entrapment nang magreklamo sa pamunuan ng CIDG at HPG Isabela ang biktimang si Alexander Macapulay, Jr. 32-anyos, binata, residente ng Lazam, Cagayan, pansamantalang nanunuluyan sa boarding house sa Villa Street, Barangay District 1, Cauayan City, isabela na hinihingan ng suspek ng p15,000 kapalit ng aplikasyon nito sa pnp at tinangay pa ang motor nito.

Ayon kay Major Rey Sales HPG-Isabela, nag-ugat ang pagkaka-aresto kay Bungcag na nagpapangap na police Major makaraang dumulog sa himpilan si Macapulay kasama ang iba pang nabiktima ng pangingikil dahil sa naengganyo ang mga ito sa matatamis na salita at pangako ng na tutulungan silang makapasok sa PNP kapalit ang ilang halaga ng pera.

Dito na ikinasa ang entrapment operation ng CIDG Isabela, HPG Isabela katuwang ang Cabagan Police Station kung saan hindi na nakapalag pa si Bungcag nang kumagat sa transaksyon at gamit pa nito ang motorsiklo ni Macapulay.

Sa kasalukuyan nasa kostodiya na ng CIDG Isabela ang suspek na maaring maharap sa patong-patong na kaso kabilang na ang motornapping at estafa.

Nanawagan naman ang HPG Isabela sa iba pang nabiktima ng suspek na lumantad upang mapanagot si Bungcag sa kanyang panloloko. IRENE GONZALES

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *