CEBU CITY – DINAKIP ng awtoridad ang isang trike driver makaraang ireklamo ng pangmomolestya ng ilang mga kabataan sa Barangay Bulacao.
Ayon kay Police Major John Kareen Escober, pinuno ng Pardo Municipal Police Station, kinilala ng apat na menor na biktima ang naarestong si Falcondo Tabura, 49-anyos, at residente ng Barangay Bulacao-Pardo ng nasabing siyudad.
Una rito ipinagharap ng sumbong ng mga kamag anak na apat na kabataang babae na nasa edad na 7 hanggang 9 na naging biktima umano ng pangmomolestiya ni Tabura.
Sa salaysay ng mga biktima, inaalok sila ni Tabura ng pera para sumakay sa kanyang tricycle at pagkatapos ay dadalhin sa isang lugar kung saan ginagawan sila ng kahalayan ng suspek.
Hinihinalang silahis din ang suspek dahil lumilitaw sa imbestigasyon na bukod sa mga kabataang babae ay ilang mga batang lalaki rin umano ang nabiktima ng kahalayan ng suspek.
Mariin namang itinanggi ni Tabura ang paratang laban sa kanya at sinabing sinusundo lamang niya sa eskuwelahan ang mga bata.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, inihayag ni Maj. Escober na positibong tinuro ng mga menor ang suspek kaya mismong mga barangay tanod na ang umaresto kay Tabura.
Nasa kustodiya ngayon ng Pardo Police Station ang suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.