QUEZON-MAGSILBING aral ang pag-aresto sa isang pulis na nag-drive para sa hindi awtorisadong biyahe sa bayan ng tayabas.
Inaresto ang isang bagitong pulis na nakatalaga sa Maynila matapos na ibiyahe ang pitong pasaherong Unauthorized Persons Outside Residence (UPOR) sa Tayabas na paglabag sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) .
Kinilala ni Police Col Audie Madrideo Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office ang naarestong pulis na si Patrolman Nerio Jojo Penaflorida Bravo Jr. ng MPD Mobile Force Battalion at nakatalaga sa US Embassy .
Sa report ni Madrideo, nakatangap ng sumbong ang Tayabas PNP na may sasakyang itim na Mitsubishi Expander na nagbababa ng mga pasahero sa Brgy. Ibabang Ilasan, Tayabas City.
Sa pagresponde ng mga pulis ay naaktuhan si Bravo at kaniyang mga pasahero.
Sa imbestigasyon, kinontak umano sila ng pulis sa pamamagitan ng social media at sinundo sa Tanay, Rizal .
Ihahatid sila sa Tayabas kapalit ng halagang 2,500.00 bawat pasahero.
Ginamit ni Bravo ang kaniyang pagka-Pulis, sa katunayan ay naka-uniporme pa ito ng Fatigue para makalusot sa mga checkpoint na kanilang dinaanan.
Si Bravo ay hawak na ng Quezon PPO ang pulis at nahaharap sa patong-patong na kaso kasama ang pitong pasahero. REA SARMIENTO
Comments are closed.