TATLONG ahensiya ng pamahalaan ang nangunguna sa listahan ng may pinakamaraming red tape sa kanilang tanggapan.
Ibinunyag kahapon ni Anti Red Tape Authority (ARTA) director general Jeremiah Belgica sa ginanap na press briefing sa Malakanyang na ang mga ito ay ang Food and Drug Administration (FDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Registration Authority (LRA).
Ayon kay Belgica na nasa 100 araw na sa trabaho sa ARTA, laganap ang katiwalian sa nasabing mga ahensiya.
Tiniyak nito na binigyan na nila ng sapat na panahon ang tatlong nabanggit na ahensiya na ayusin ang kanilang sistema, subalit hanggang ngayon ay bigo pa rin ang mga ito na maiayos.
Sinabi ni Belgica na sa kaso ng FDA, inabutan nilang tambak ang mga dokumentong nakabinbin para sa kaukulang pagpoproseso at patuloy ang pagsasagawa ng reporma sa kanilang sistema.
Sa katunayan, nakatakda aniyang humarap sa kanila ang FDA sa linggong ito para ipresinta ang kanilang ipinangakong strategic planning.
Sa kaso naman ng LTFRB, tinukoy ni Belgica na ang kanilang isyu ay tungkol sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ayon pa kay Belgica humingi na sa kanila ng suporta ang LTFRB para mapabilis ang pag proseso sa mga nilalakad na dokumentong may kaugnayan dito.
Tambak ding mga dokumento ang problema sa LRA kaya patuloy na tinatawagan ng pansin ng ARTA ang pamunuan ng ahensiya na madaliin ang conversion sa electronic titling para mapadali ang proseso.
Ang tatlong nabanggit na ahensiya ay ilan lamang sa limang ahensiyang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na may pinakaraming reklamong natanggap mula sa publiko.
Ang ARTA ay naitatag sa bisa ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Delivery Act na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo 2018.
Sa pamamagitan ng ARTA at ng Ease of Doing Business Act, nakakapagbigay nang mas mabilis na transaksiyon at serbisyo ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at isa ring hakbang para mas palakasin ang kampanya laban sa korupsyon.
Kasama sa layunin ng Ease of Doing Business Act ang pagbibigay ng mas efficient at effective na business environment na siyang magpapataas sa antas ng competitiveness sa bansa. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.