HINDI nagpaawat ang mga atletang Pinoy sa paghakot ng gintong medalya upang ipakita ang kanilang determinasyon na kunin ang overall championship sa opisyal na pagsisimula kahapon ng aksiyon sa 30th SEA Games
Hanggang alas-8:12 ng gabi ng Linggo, ang Filipinas ay nangunguna sa medal standing na may 22 gold, 11 silver at 5 bronze medals para sa kabuuang 38 medals. Sumusunod ang Vietnam na may 5-12-7; Malaysia na may 4-1-2; Singapore, 3-2-5; Thailand, 2-4-8; Indonesia, 2-2- 5; Brunei, 1-2-1; Cambodia, 0-2-3; Myanmar, 0-1-4; at Laos, 0-0-2.
Ginawang minahan ng ginto ng host country ang triathlon, wushu, dancesport, sepak takraw, arnis, gymnastics, kurash at online chess.
Unang nakasungkit ng gintong medalya para sa Filipinas si John Rambo Chicano sa triathlon sa oras na 1 hour, 53 minutes at 25 seconds at binura ang record ni Nikko Huelgas na 2 hours.
“Okay lang na-break niya ang record ko. Masaya ako na nanalo siya. Ang panalo ay para sa ating lahat, dapat magssaya tayo,” sabi ni Huelgas, gold medalist sa Singapore at Malaysia.
Sinundan ito ng panalo ni Agatha Wong, bronze medalist sa 2018 AsIan Games sa Indonesia, sa taolou taijiquan sa pagtala ng 9.67 points.
Winalis ng Pinoy triathletes ang men’s at women’s divisions nang matagumpay na naidepensa ni Marion Kim Mangrobang ang korona.
Humakot naman ang mga pambato ng Filipinas sa dancesports ng kabuuang 10 gold at 2 silver medals.
Hindi nagpahuli si Carlos Yulo nang kunin ang gold medal sa men’s artistic gymnastics all-around category sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinalo ng 2019 World Artistic Gymnastics Championships gold medallist ang dalawang Vietnamese gymnasts, na nagwagi ng silver at bronze.
Matapos ang event, nagbigay si Yulo ng mensahe sa Twitter upang ihayag ang kanyang pasasalamat sa pagkatawan sa bansa sa biennial meet.
“Para sa lahat po ng kapwa ko Pilipino, mabuhay po tayong lahat at patuloy po nating suportahan ang mga atletang Pilipino. Mabuhay tayong lahat,” aniya.
Winalis naman ng Philippine arnis team ang apat na golds sa men’s live stick sa Angeles University Foundation, Pampanga.
Nakopo ni Mike Bañares ang ika-4 na gold makaraang gapiin si Thai Viet Phu ng Vietnam via unanimous decision sa men’s live stick welter-weight division.
Naunang nasikwat nina Dexler Bolambao, Niño Mark Talledo, at Villardo Cunamay ang golds sa bantamweight, featherweight division, at lightweight divisions.
Samantala,kumolekta ang sepak takraw ng dalawang ginto sa men’s at women’s divisions sa Subic gym.
Sa pangunguna ni playing coach Deseree Autor, sumandal ang mga Pinay sa dikit na 670-660 panalo laban sa Indonesia bago umasa sa pagkatalo ng Myanmar tungo sa kanilang kauna-unahang gold sa SEA Games hoop event history.
Si Autor ay sinamahan nina Josefina Maat, Sara Jean Kalalo, Jean Marie Sucalit, Mary Ann Lopez and Abigail Sinugbohan sa panalo ng koponan.
Sinundan ito ng panalo ng men’s squad ng bansa.
Humabol si Estie Gay Liwanen sa pagkopo ng gold medal sa Kurash, gayundin si Jan Emmanuel Garcia sa individual online chess.
Samantala nagtala ng kambal na panalo ang Filipinas sa men’s at women’s divisions ng 3×3 basketball event ng 2019 Southeast Asian Games kahapon sa Filoil Flying V Center.
Pinataob ng Gilas Pilipinas, ang men’s team ng host squad, ang Indonesia, 21-17, at pagkatapos ay dinispatsa ang Myanmar, 21-10, upang manguna sa debuting event na umakit ng walong bansa.
Dinurog naman ng mga Pinay ang Myanmar, 21-4, at sa kanilang pagbabalik ay naitarak ang makapigil-hiningang 15-13 panalo kontra Malaysia.
Nalusutan ng quartet nina Chris Newsome, CJ Perez, Jason Perkins at Moala Tautuaa ang masamang simula sa paggapi sa Indonesia, kung saan nanguna sina Perking at Perez na may 9 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.
“I feel happy with the win. It is just our second game in the tournament and it gets our feet a little bit wet. We have tough matches ahead and we just have to keep our focus. It is a great experience playing for flag and such an honor and pride having those people watching and cheering for us,” wika ni Newsome.
Comments are closed.