AKLAN- PATAY ang isang lalaki na naniningil lamang ng utang matapos na burdahan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob mismo ng barangay hall ng Bulabod, Malinao sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima ay kinilalang si Sherwin Retiro, residente ng Barangay Rosario, Malinao ng nasabing lalawigan.
Habang ang suspek naman ay nakilalang si Dandy Opeñano, 39-anyos at residente ng Barangay Bulabod sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Capt. Christian John Nalangan, hepe ng Malinao Municipal Police Station na bago pa man nangyari ang insidente ay pumunta ang biktima sa barangay hall upang humingi sana ng tulong sa mga barangay official na masingil ang suspek sa balanse nitong P2,000 na danyos sa pagpagamot sa kanyang anak na sinuntok ni Opeñano.
Nang malaman ito ng suspek, dali-dali siyang umuwi at kumuha ng patalim at sinugod ang biktima sa barangay hall habang nakikipag-usap sa mga opisyal.
Makailang ulit nitong sinaksak ang biktima at nagkaroon ng malubhang tama sa kaniyang dibdib na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek ngunit kalaunan ay sumuko rin ito sa isang kagawad ng Barangay Kinalangay Viejo, Malinao, Aklan.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya si Opeñano at nahaharap sa kasong murder.
EVELYN GARCIA