NANINGIL NG PAUTANG BINIGTI, IGINAPOS, ISINILID SA ICE COOLER

CAVITE- PINATAY sa sakal ang 26-anyos na babae sa pamamagitan ng lubid matapos nitong singilin sa utang ang kapitbahay sa Golden Horizon Villas, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mari Joy Singayan, residente ng nasabing Subdivision habang tumakas naman ang suspek na kinilala sa alyas Wilson, nasa hustong gulang at kapit-bahay ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-9:15 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakasiksik sa isang ice cooler sa bahay ng suspek sa Blk 105 Lot 20-22 Golden Horizon Villas ng nasabing lungsod.

Nabatid na nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek upang singilin umano ito ng utang na nagkakahalaga ng P50,000 subalit wala pa umanong maibayad ang suspek.

Nauwi sa patatalo ang dalawa hanggang sa mapikon ang suspek at hinila nito ang biktima at sinakal hanggang ibigti ito gamit ang lubid.

Nang mapatay ng suspek ang biktima ay isinilid ito sa ice cooler bago mabilis na tumakas.

Sa pahayag ng asawa ng suspek, dakong alas-4:45 ng hapon nang tumawag umano sa kanya ang mister at inamin nito ang ginawang krimen at sinabi rin nito kung saan niya inilagay ang katawan ng biktima.

Dito na nagreport ang asawa ng suspek sa kanilang barangay at itinawag sa pulisya ang pangyayari.

Narekober sa loob ng ice cooler ang patay na katawan ng biktima.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng suspek.
SID SAMANIEGO