ISABELA – HAWAK na ngayon ng mga pulis ang dalawang lalaking nanunog umano ng dalawang vote counting machines (VCM) na mula sa dalawang barangay sa bayan ng Jones.
Ang dalawa na kapwa residente ng Barangay Sta. Isabel ang sinasabing nanunog ng dalawang VCM at iba pang election paraphernalia na para sa Barangay Dicamay Uno at Dicamay Dos, ayon kay Police Captain Fermando Mallillin, hepe ng Jones Police.
Ayon sa report na inilabas ng PNP Regional Office 2, nahuli kamakalawa ng gabi si Rodel Pascul, 34-anyos, sa Brgy. Diarao sa isang hot pursuit operation.
Samantala, sumuko naman alas-9:30 ng umaga nang Miyerkoles si Jayson Leanio sa Brgy. Captain ng Santa Isabel.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Jones ang dalawang suspek at isinasailalim sa interogasyon ng pulisya.
Natukoy ang pagkakilanlan ng dalawang suspek batay sa mga testigo.
Narekober na rin ang ginamit na getaway vehicle ng mga suspek matapos na sunugin ang mga vote counting machine at election paraphernalia.
Natagpuan ang nasabing sasakyan sa Barangay Quezon, San Isidro, Isabela.
Sa report na inilabas ng Isabela-Philippine National Police (PNP), sinunog ng tatlong hindi nakikilalang lalaki ang sasakyang Mazda 4×4 pick-up.
Binuhusan umano ng gasolina ang sasakyan bago sinilaban at agad na tumakas lulan ng motorsiklo patungo ng Santiago City.
Una rito, hinarang ng mga armadong lalaki ang isang dump truck na may lulang vote counting machine at election paraphernalia sa Jones.
Iniimbestigahan na ng PNP at Armed Forces of the Philippines ang insidente. VERLIN RUIZ
Comments are closed.