NAPAPANAHON ANG SUSPENSIYON NG PHILHEALTH RATE HIKE

LAGING  prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapakanan ng bawat mamamayan.

Kaya sa loob lamang ng anim na buwan, tambak na ang kanyang accomplishments.

Sa unang 100 araw pa nga lang ng kanyang panunungkulan o noong Oktubre 2022, naalala ko pa na nabayaran agad ang unpaid claims na special risk allowance ng mga health worker mula sa pribado at pampublikong sektor.

Naglabas kasi ng pondo para rito ang Department of Budget and Management (DBM).

Nakabalik din nang maayos sa face-to-face learning setup ang tinatayang 28 milyong mag-aaral para sa school year 2022-2023.

Malaking bagay ang pagpapalawig sa libreng sakay para sa mga estudyante habang sinimulan ding palakasin ang ekonomiya sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga investor na mamuhunan sa bansa.

Ang ginawang pagbiyahe ni Pangulong Marcos sa ibang mga bansa, kabilang ang Vietnam, Thailand, at Belgium, ay isang malinaw na mensahe sa buong mundo na bukas na muli sa pagnenegosyo ang Pilipinas.

Siyempre, kaakibat ng mga opisyal na pagbiyaheng ito ay ang daan-daang libong mga trabaho na naghihintay para sa mga Pilipino.

Tiningnan din ang kapakanan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na pondo para sa high-value crop program.

Tinulungan ang mga nasalanta ng nagdaang mga bagyo habang ipinatupad din ang pagsususpinde sa paniningil ng amortisasyon.

Mahalaga namang hakbang tungo sa kapayapaan ang pagsasakatuparan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Upang maibsan ang pasanin ng mga consumer, nagtayo ang Marcos admin ng Kadiwa ng Pasko outlets sa iba’t ibang panig ng bansa kung saan mabibili ang mga prutas, gulay, bigas, at iba pa sa murang halaga.

Isa rin sa mga pinakamahalagang ginawa ni PBBM ay ang pagsuspinde muna sa mas mataas na kontribusyon sa PhilHealth premium mula 4% patungong 4.5% bunga ng pagtaas ng presyo ng bilihin o inflation sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Nakatakda sana ang premium rate hike ngayong 2023 pero hindi na ito matutuloy dahil sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa utos ni Pang. Marcos.

Maging ang pagtataas ng income ceiling mula P80,000 patungong P90,000 para sa bagong calendar year ay pinasuspinde rin ni PBBM alinsunod sa Section 10 ng Republic Act 11223 o “Universal Health Care Act.”

Kung natuloy ito, aba’y kakailanganing magbayad ng P450 ng mga miyembrong kumikita ng P10,000 pababa buwan-buwan mula sa dating P400 na paghahatian naman ng employer at employee.

Noong 2021, hindi rin natuloy ang dagdag-singil sa buwanang premium payments matapos suspendihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bunsod pa rin ng COVID-19 pandemic.

Malaking bagay ito para sa mga manggagawa na kung natuloy ay magiging dagdag pasanin pa sa kanila.

Maganda naman ang layunin ng premium hikes lalo pa’t gagamitin naman daw sana ito para tugunan ang pagpapalawig ng mga benepisyo sa Universal Health Care Act.

Subalit mahuhusay rin talaga ang mga economic manager ni PBBM.

Nakikita nilang hindi kakayanin ng mga manggagawa ang dagdag-pasanin sa ngayon lalo pa’t mababa pa rin ang kanilang minimum wage at tumataas ang presyo ng langis, gayundin ng mga pangunahing bilihin.

Nakadagdag pa nga raw dito ang pagsirit sa 8% ng inflation rate na siyang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa sa mahigit 14 taon.

Ngayong 2023, nawa’y magtuloy-tuloy ang pagbangon ng ekonomiya at uunlad muli ang ating bansa.