(Napigilan ng DICT) 20K BESES NA PAG-ATAKE SA COMELEC WEBSITE

MAHIGIT 20,000 beses na inatake ang website ng Commission on Elections (Comelec) subalit salamat sa Department of Information and Communications Technology (DICT), walang nagtagumpay sa mga ito.

Ayon kay acting spokesperson, Director John Rex Laudiangco, marami ang nagtangkang pabagsakin ang website ng poll body noong Mayo 8 at 9, kabilang ang site para sa election results, ngunit ang lahat ng ito ay napigilan ng DICT.

“We are proud to report that they were able to prevent and block more than 20,000 attempted attacks on our website,“ ani Laudiangco.

Tinukoy ang report ni Undersecretary Maria Victoria Castro sa Comelec, sinabi ni Laudiangco na kinilala ng DICT ang Internet Protocol (IP) addresses, ang identifying numbers na may kinalaman sa isang partikular na computer o computer network.

Hindi naman binanggit ng DICT kung ang pinagmulan ng tangkang pag-atake ay dayuhan o lokal.

“Hanggang ngayon patuloy silang (DICT) nagbabantay sa atin at minomonitor po nila lahat nung nag-attempt sa atin,” aniya. PNA