NAPLANTSA RIN ANG GUSOT

alex santos

SA WAKAS, nagkaayos din ang Pilipinas at Kuwait.

Tinanggal na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ban sa deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) doon.

Naplantsa ang gusot at senyales na nga ito ng pagbabalik ng magandang relasyon ng dalawang bansa.

Nag-ugat ito sa nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU).

Sa pamamagitan ng MOU, masisiguro ang proteksiyon ng mga manggagawa, partikular ang domestic helpers (DHs).

Nagkahigpitan sa pagpapadala ng DHs sa Kuwait dahil marami raw sa kanila ang nakararanas ng pagmamaltrato.

Isa na nga riyan ang malagim na sinapit ng Ilonggang si Joanna Demafelis na natagpuan ang bangkay sa freezer.

Hindi dapat maulit iyon kaya nilagdaan ang MOU.

Dahil pa rin sa MOU na ilang buwan ding nalagay sa balag ng alanganin, nakahihinga na nang maluwag ang mga opisyal ng ating pamahalaan.

Nagmuntik-muntikan nang hindi matuloy ang lagdaan bunga ng kontrobersiyal na pag-rescue ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa dalawang Pinay domestic helpers na minamaltrato sa nabanggit na bansa.

Nagpuyos sa galit ang Kuwaiti government matapos kunan ng video ang pagsagip sa ilang Pinay, in-upload sa internet at nag-viral habang nagmukhang inutil ang Kuwait.

Siyempre, hindi nga naman nakatutuwa ang ginawa ng mga taga-embassy sapagkat naging daan pa ito upang patalsikin ang emba-hador ng Pilipinas habang inaresto rin daw ang mga tauhan ng embahada.

Dapat papurihan sina Pangulong Duterte, Presidential Spokesman Harry Roque, Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at Labor Sec. Silvestre Bello III bunsod ng mabilis na pagkakaplantsa ng gusot sa pagitan ng dalawang bansa at natuloy na ang paglagda sa MOU.

Gayunman, hindi dapat magwakas sa lagdaan ng MOU ang pagbabantay ng pamahalaan sa kalagayan ng mga kababayan natin sa ibayong dagat.

Mahalagang busisiing mabuti ng Phil. Overseas Employment Administration (POEA) ang mga among paglilingkuran ng Pinay workers para hindi sila mapahamak.

oOo

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Balita Na-tionwide Pang-umagang edisyon (7am-8am) at kasalukuyang host ng public ser-vice program sa PTV 4, ang KILOS PRONTO, tuwing alas-4 y medya hanggang alas-5 y medya ng hapon, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood niyo rin ako sa PTV SEN-TRO BALITA araw-araw, ala-1 ng hapon. Ipadala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede ninyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos .

Comments are closed.