SIMULA na ang Southeast Asian Games journey para sa Limitless Appmasters.
Umalis kahapon ng umaga ang PBA 3×3 First Conference titlist Appmasters patungong Vietnam para sa kanilang golden mission sa 31st Southeast Asian Games.
Ang koponan ay kinabibilangan ng quartet nina Jorey Napoles, Marvin Hayes, Reymar Caduyac at Brandon Ganuelas-Rosser kasama ang kanilang coach na si Willie Wilson at iba pang team staff.
Ang Appmasters ay may misyong ipagpatuloy ang winning ways nina PBA 5-on-5 mainstays Mo Tautuaa, Chris Newsome, Jayson Perkins at CJ Perez, na nagwagi sa inaugural 3×3 competition sa 2019 SEAG sa Manila.
“Excited kasi gusto ng lahat player makalaro (sa national team). Ibibigay namin ang best namin para manalo,” sabi ni Caduyac sa kanyang pagbisita sa The Game on One Sports kamakailan.
Sinamahan ng Limitless-powered Gilas men’s 3×3 ang kanilang female counterparts at colleagues mula sa golf at triathlon sa Team Philippines delegation na umalis patungong Hanoi sa araw ng halalan.
Ang Gilas 3×3 ay sasalang sa court ng Than Tri District Sporting Hall sa May 13-14, kumpiyansang maidedepensa ang dominasyon ng bansa sa fast-paced game.
Aalis naman ang Gilas 5-on-5 squad, na pinalakas ng walong PBA stalwarts at gagabayan ni TNT’s Chot Reyes, sa Miyerkoles. CLYDE MARIANO