NAPUNO NA ANG SALOP

NAGING main- it na isyu ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang executive order na naglalagay ng price cap sa bigas.

May ilan na naniniwala na ang EO ay malamang na isang mahinang pagtatangka na pigilan ang tila hindi maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ngunit maaari rin itong mangahulugan na nais ni PBBM na mawala ang ugat ng problema. Ang EO ay ang unang kongkretong hakbang ng pamahalaan para maalis ang mga cartel at hoarder at payagan na matukoy ang mga presyo ng bigas sa pamamagitan ng batas ng supply at demand.

Ang ibig sabihin ng Pangulo ay negosyo. Bilang pagsasama-sama ng kapangyarihan ng mga ahensiyang sangkot, inilabas niya ang Executive Order 39, hindi bilang isa pang babala, kundi ang kanyang sandata laban sa mga hoarder at rice cartel.

Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ay binigyang-diin ng Pangulo na hahabulin niya ang mga rice hoarder at cartel. Paulit-ulit niyang binanggit ang parehong babala, hanggang sa inilabas niya ang EO na ito bilang isang uri ng deklarasyon ng digmaan laban sa kanila.

Tama na. Napuno na ang salop.

Kailangang pumasok ang gobyerno at kontrolin ang pagtaas ng presyo ng bigas. Kahit na pinahintulutan ng gobyerno ang pag-aangkat ng bigas sa kabila ng ani sa pagsisikap na patatagin ang presyo, sinabi ng mga opisyal na patuloy na tumataas ang presyo ng staple food ng mga Pinoy.

Iginiit ni Trade Assistant Secretary Agaton Uvero na hindi dapat tumaas ang presyo ng bigas dahil sa liberalisadong pag-angkat ng bigas. Itinuro ni Uvero ang mga kartel at hoarder na sinusubukang kontrolin ang daloy ng merkado.

EO 39 MATAPANG NA MENSAHE NI PBBM SA RICE HOARDERS AT UNSCRUPULOUS TRADERS
Matagal nang problema sa ating bansa ang pagsasamantala ng ilang walang pusong negosyante sa supply at presyo ng bigas.

Sila na parang mga buwitre na sa unang indikasyon pa lang ng bahagyang pagbaba ng produksiyon ng palay ay tilla mayroon na agad silang nakahandang iskema upang ang sitwasyon ay pagkakitaan nila nang mas napakalaki.

Subalit sinabi na ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na nagiging steady na ang supply ng bigas dahil sa inaasahang surplus pa ng lokal na rice production at sa pinayagang rice importation.

Sa katunayan umano, ang total supply ng bigas sa bansa ay “more than enough” para sa current demand o kasalukuyang pangangailangan sa konsumo na 7.76 MMT, at ito umano ay magkakaroon pa ng ending stock na 2.39 MMT na sasapat hanggang sa susunod pang 64 na araw.

Sa EO 39 ay iniulat ng DA at DTI na may nagaganap na “widespread practice of alleged illegal price manipulation, such as hoarding by opportunistic traders and collusion among industry cartels in light of the lean season…”

Kaya naman agad umani ng papuri at suporta ang pag-apruba ni PBBM sa EO 39 na nagtakda ng price ceilings sa bigas.

Ang naturang EO kasi ay nakatuon mismo sa ugat ng problema – ang rice cartels and hoarders.

Tinatanaw ang EO bilang unang konk- retong hakbang sa pagdurog sa mga kartel at hoarder ng bigas na kumokontrol o sumasagka sa dapat ay malayang daloy ng produkto sa merkado upang magmukhang may krisis sa supply ng bigas at dahil dito ay tumataas nang labis ang presyo nito. Kasabay nito ay itinatago rin nila ang mga bigas upang kalaunan ay maibenta nila ito sa napakataas na presyo na sila na rin mismo ang nagtatakda.

Mula pa noong kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ay idineklara na ni PBBM na tutugisin ng kanyang administrasyon ang rice cartels and hoarders.

Malinaw na mula pa noon ay inaral nang husto ng Pangulo ang kanyang gagawing decisive measure sa naturang usapin lalo pa’t marami nang ipinatupad na hakbang noong nakaraang mga taon subalit nagawa ng rice cartels and hoarders na maka-survive at paulit-ulit pa ring mamayagpag sa pagsasamantala.

Kaya naman sa kanyang pag-apruba sa EO 39 ay masasabing “The president means business!” Ang EO 39 ang nagsisilbing pinakamalakas na sandata ngayon ng pamahalaan laban sa rice carterls and hoarders lalo pa’t pinagsama-sama nito ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa supply at presyo ng bigas.

Sa pamamagitan ng EO 39 ay nagdeklara si PBBM ng giyera laban sa rice cartels and hoarders; isang giyera na sa pagtaya ng maraming sektor ay maipapanalo ng administrasyong Marcos para sa kapakanan ng sambayanan lalo na ng mga ordinaryong Pilipino.