DAHIL sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, nasa 20 hanggang 30 porsyento na lamang ng kabuuang bilang ng mga provincial buses ang bumibiyahe sa ngayon.
Ayon kay Provincial Bus Operators Association of the Philippines executive director Alex Yague, ang bilang ng mga provincial buses na bumibiyahe noong Abril ay umakyat na sa 60%, kasunod na rin nang pagluwag ng mga ipinatutupad na COVID-19 restrictions.
Aniya, muli naman bumaba ang bilang ng mga ito sa nakalipas na mga linggo dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng petroleum products.
“Nitong mga nakaraang linggo at tumaas nang husto yung halaga ng diesel. Kaya yung 60% na dating tumatakbo during the May election up to early June bumagsak na naman ito, 20% to 30% na lamang ang tumatakbo,” ayon kay Yague.
Hindi naman sinabi ni Yague kung ilan ang kabuuang bilang ng mga provincial buses na tinutukoy niya.
Sinabi pa nito, dahil sa limitadong bilang ng mga bus, kinakailangan ng mga pasahero na maghintay ng mas matagal upang makasakay.
Una nang napaulat na 26,000 provincial bus workers ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa serye ng fuel price hikes. EVELYN GARCIA