NASA ATIN NA ANG LABAN, DISIPLINA AT IBAYONG PAG-IINGAT AY KAILANGAN

Joes_take

MATAPOS  ang 77 na araw ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa, sa wakas ay nagdesisyon na ang pamahalaan na panahon na para sa pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) upang unti-unting maibalik sa normal ang takbo ng ating ekonomiya. Kahapon ang unang opisyal na araw ng pagsisimula ng GCQ, partikular na sa Metro Manila, kung saan naitala ang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa ay idineklara na ng pamahalaan, base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF), na ipatupad ang GCQ, partikular na sa Metro Manila. Sa kasalukuyan, umabot na sa higit sa 18,000  ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Malinaw sa datos na ito na hindi pa tapos ang ating laban sa pandemyang ito.

Hindi tayo maaaring manatiling naka-lockdown dahil kailangan ding isaalang-alang ng pamahalaan ang kalagayan ng ating ekonomiya dahil dito nakadepende ang kalidad ng buhay nating mga mamamayan. Bunsod ng dalawang buwan na ECQ ay marami na ang nawalan ng trabaho at napakarami rin ng nawalan ng kita at panustos sa araw-araw na gastusin.

Kung dati ay nakakulong lamang tayo sa ating mga bahay-bahay bilang tulong sa ating mga frontliner sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19, iba na ang sitwasyon ngayon. Bunsod ng desisyon ng pamahalaan na ipatupad ang GCQ na siyang magbibigay ng pahintulot sa mas maraming tao na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan, mayroon na tayong mas aktibong papel na dapat gampanan sa laban sa COVID-19. Ito ay ang ibayong pag-iingat.

Sa pagpapatupad ng GCQ, mas maraming sektor na ng industriya ang magbabalik-operasyon at ito ay nangangahulugan na mas marami na ring mga empleyado ang lalabas ng bahay upang magbalik-trabaho sa kani-kanilang opisina. Kitang-kita naman na sa unang araw pa lamang ng GCQ ay nagbalik din agad ang trapiko sa EDSA. Ngunit ilan nga kaya sa mga sasakyang nagbalik sa daan at mga taong naglabasan ang talagang may lehitimong rason upang lumabas?

Ang pagbaba ng restriksiyon ng quarantine mula sa ECQ patungo sa GCQ ay hindi nangangahulugan na malaya na tayong mamasyal at lumabas-labas. Sa paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., ang ECQ at GCQ ay parehong community quarantine. Ibig sabihin, kahit na GCQ na ang ipinatutupad ng pamahalaan, nananatili pa rin tayong naka-community quarantine. Ang GCQ ang tinutukoy ni Roque na magiging bagong normal nating lahat hanggang walang bakuna laban sa COVID-19.

Sa ilalim ng GCQ, hindi pa rin maaaring lumabas para mamasyal at maglibang. Ang maaari lamang lumabas ay ang mga taong magbabalik sa trabaho sa ilalim ng mga industriya na binigyan na ng pahintulot na magbalik-operasyon. Ang mga mamamayan na may edad 20 at pababa at 60 pataas ay hindi maaaring lumabas ng bahay anumang oras maliban na lamang kung ito ay isang emerhensiya. Kasama rin sa hindi maaaring lumabas sa ilalim ng GCQ ay ang mga buntis, mga may co-morbidity, may immunodeficiency, at ang mga mamamayan na kasama sa bahay ng mga nabanggit.

Ang  malls ay kasama rin sa binigyan ng pahintulot na magbalik-operasyon sa ilalim ng GCQ ngunit ang mga gusali at tindahan na ukol sa paglilibang ay mananatiling sarado. Ang mga pisikal na klase naman ay mananatiling suspendido sa ilalim ng GCQ. Ang mga mass gathering gaya ng mga concert, sinehan, mga misa, at mga aktibidad  na may kinalaman sa paglilibang ay hindi rin pahihintulutan. Sa madaling salita, maaari lamang lumabas kung talagang kinakailangan.

Binanggit din ng ilang opisyal na hindi na kailangan ng quarantine pass sa ilalim ng GCQ at ito ay maaaaring maging daan upang mas lumabas-labas ng bahay ang ilan sa atin kahit hindi naman kinakailangan. Nasa sa atin na nakasalalay ang pagtatagumpay o ang pagkabigo ng bansa sa laban sa pandemyang ito. Bukod sa ibayong pag-iingat ay kailangan din nating maging disiplinado.

Sa ating bagong normal ay magiging bahagi na ng ating pang-araw-araw na pananamit ang face mask. Mahalagang siguraduhin ang kalidad ng face mask na gagamitin dahil hindi lahat ng face mask ay akma sa sitwasyon natin ngayon. Kailangan ang face mask na gamitin ay surgical mask o iba pang mas mataas na kalidad upang masiguro na epektibo ito sa pag-iwas sa COVID-19. Manatili ring  protektado sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay at paglalagay ng alcohol. Sa tuwing lalabas ng bahay, ugaliin ang physical distancing upang mas maging protektado.

Ang ibang bansa na nagtagumpay sa paglaban sa COVID-19 ay hindi lamang umasa sa kagalingan ng mga namamahala sa mga ito. Naging malaki rin ang papel na ginampanan ng mga mamamayan ng mga bansang ito. Kailangan ng ibayong pag-iingat at disiplina. Sumunod tayo at makiisa sa ipinatutupad ng pamahalaan upang sama-sama nating mapagtagumpayan ang pandemyang ito at nang sabay-sabay rin nating maibangon ang ating ekonomiya. Kung kaya ng iba, kaya rin dapat ng Filipinas. Ako ay lubos na naniniwala na kaya rin ito ng mga Filipino.

Comments are closed.