(Nasa edad 5 hanggang 17) 73K NA KABATAAN BAKUNADO NA

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na umabot na sa 73,326 kabataan na nasa edad 5 hanggang 17-taong gulang ang bakunado na laban sa COVID-19.

Ayon sa pamahalaang lungsod, ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19 sa 12-17 age group ay nasa 58,203 ang tumanggap ng unang dose habang 51,708 naman ang nabakunahan na ng ikalawang dose ng vaccine.

Sa ilalim ng programang baksinasyon sa mga nasa edad 5 hanggang 11 ay umabot na sa 15,123 tsikiting ang nabakunahan na ng unang dose at 6,625 naman ang napagkalooban ng ikalawang dose o mga fully vaccinated na.

Samantala, hinimok naman ni City Health Office (CHO) officer-in-charge (OIC) Dra. Julie Gonzalez ang mga fully vaccinated na residente na magpaturok na rin ng kanilang booster shots dahil magbibigay ito ng karagdagang proteksyon sa kanila laban sa COVID-19.

Sinabi ni Gonzalez na sa kabuuan ay nakapagturok na ang CHO ng 585,882 vaccines ng unang dose at 560,876 naman ng ikalawang dose sa mga residente ng lungsod.

Samantalang nasa 182,678 vaccines na ang naiturok na booster shots sa lungsod.

Matatandaan na kamakailan lamang ay inilunsad ng lokal na pamahalaan ang “Bayanihan sa Bakunahan” kung saan magtatalaga ng vaccination teams na magsasagawa ng baksinasyon sa mga lugar ng 20 barangay sa lungsod na makadaragdag ng panghihikayat sa mga residente na magpaturok ng kanilang booster shots na magtatagal ng buong buwan ng Marso.

Bukod sa mga itatalagang vaccination teams sa mga barangay ay magkakaroon din ng isang health team na magsasagawa ng house-to-house vaccination para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs). MARIVIC FERNANDEZ