NASA EVAC CENTERS BAKUNAHAN NA

HINIMOK ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang Department of Health (DOH) na bakunahan na ang mga kuwalipikadong Pinoy na tumutuloy ngayon sa evacuation centers sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.

Binigyang diin ni Tolentino na ito ang tamang oras para samantalahin ang pagkakataong mabakuhanan ang maraming Pinoy na tumutuloy ngayon sa mga evacuation center.

Sa huling datos na inilabas ng NDRRMC kahapon, pumapalo na sa 174,010 na pamilya o ang pansamantalang tumutuloy ngayon sa mga evacuation center habang nasa 14,329 na pamilya naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

“Samantalahin na po ito ng Department of Health, ang mga kababayan natin sa Naga, Cebu, Talisay, Cebu, sa Bohol ay nasa evacuation centers, samantalahin na po ‘yan para magbakuna sa evacuation centers, hindi na natin hihintayin ang Miyerkoles pa para magpalista ulit, nasa evacuation centers na sila sama-sama na doon na natin bakunahan,” ani Tolentino.

Sa huling datos na inilabas ng gobyerno, nasa 100 milyong Pinoy na ang nabakuhanan kontra COVID-19 mula nang magsimula ang vaccine rollout sa bansa nitong Marso. VICKY CERVALES