NATAPOS na ang laban. Nagwagi si Pacquiao at nagdiwang ang buong mundo sa pagkapanalo niya laban sa madada, mayabang na Amerikanong boksingero na si Keith ‘One Time’ Thurman. Dahil dito, nakuha ni Pacquiao ang titulo ni Thurman bilang WBA welter-weight champion. Bukod dito, ang ating ‘fighting senator’ ay may hawak ng record na pinakamatandang kampeon sa welterweight division sa edad na 40.
Lima lamang sila sa mundo ng boksing na naging kampeon sa edad na 40 pataas. Kasama ni Pacquiao sa listahan na ito sina Archie Moore na nag-wagi bilang heavyweight, at Bernard Hopkins na sa edad na 48 ay nanalo bilang IBF middleweight champion noong ika-13 ng Marso 2013. Nandiyan din si George Foreman na naging WBA heavyweight champion makaraang pabagsakin si Michael Moorer noong 1994. May isang taga-South Africa na si Sugar Boy Malinga ang nasungkit ang WBC middleweight title sa edad na 40 noong Marso 1996.
Subalit kung ating ikukumpara si Pacquiao sa apat na kasama niya sa listahan na naging champion sa edad na 40 pataas, wala sa kanila ang nagwagi ng titulo sa walong magkakaibang weight divisions na si Manny lamang ang nakagawa. Wala na pong iba. Dagdag pa ang pagiging isang opsisyal ng ating bansa na nagsimula bilang isang congressman at ngayon ay senador.
Marami nga ang nagsasabi na wala nang makahihigit sa mga nagawa ni Pacquiao sa mundo ng boxing. Bukod tangi siya. Hindi pa natin isinasama ang mga magagandang bagay na nagawa at ginagawa niya sa ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong.
Kaya ako ay napapailing sa mga salita na binitawan ni Thurman bago ang laban nila. Sinasabi niya na matanda na si Pacquiao. Maigsi ang mga ka-may. Walang lakas ang mga suntok ni Pacquiao. Pagkatapos daw ng laban nila ay mapipilitan nang magretiro si Pacquiao at maglalaro na lang ng bas-ketbol. Ang pinakamasakit na salita na medyo nakaapekto kay Pacquiao ay nang sabihin ni Thurman na dahil mahilig maghayag ng salita ng Diyos si Pacman ay ipadadama niya ang pakiramdam na parang ipinapako sa krus si Pacquiao sa kanilang laban. Kampante siya na sa kanyang laki at lakas ay patutulugin niya si Pacquiao sa loob ng tatlong rounds.
Noon pa lang ay hindi ako naniniwala sa mga binitiwang salita ni Thurman. Imposible ang lahat ng sinasabi niya. Kung maniniwala ka sa sinasabi niya, parang akala mo ay nasa heavyweight division si Thurman na ang kalaban ay isang welterweight. Matangkad nga ng ilang pulgada si Thurman kay Pacquiao subalit parehas lamang ang kanilang timbang. Marami nang nakalaban si Pacquiao na kasing laki ni Thurman. Nandiyan sina Margarito, Dela Hoya at Cotto. Pawang mas malaki at kilalang magagaling na mga boksingero
Walang matagal na ‘lay off’ o hindi lumaban si Pacquiao bago ang laban niya kay Thurman. Nasa kondisyon siya. Hindi kinakalawang. Kaya naman ako ay tuwang-tuwa nang pabagsakin niya si Thurman sa unang round ng laban nila. Nakayanan din ni Pacquiao ang mga solid na suntok sa ulo at ka-tawan ni Thurman. Ininda niya. Eh, si Thurman? Ilang beses nasaktan sa mga suntok ni Pacquiao!
Masasabing nasa ibang lebel na talaga si Pacquiao. Bukod dito ay nailagay niya sa positibong aspeto ang Filipinas at tayo bilang Filipino sa buong mundo. Dahil sa kanyang tagumpay ay taas-noo tayo bilang isang Filipino. Pati ang mga banyaga na may dugong Filipino ay iniyayabang na rin na may lahi silang Filipino. Ito ay isa sa pinakamalaking bagay na naitulong ni Sen. Manny Pacquiao sa ating mga Filipino. Dahil dito ay saludo ako kay Pacman. Ibang lebel ka na talaga.
Comments are closed.