KINILALA ng isang travel website ang Makati City bilang isa sa sampung pinakaligtas na lungsod sa bansa na maaaring bisitahin ng mga turista.
Ayon sa Travel Safe-Abroad.com, nakuha ng Makati City ang ika-anim na puwesto sa pinakahuling listahan ng 10 Safest Cities in the Philippines dahil sa pagkakatala ng mababang crime index nito.
Sinabi rin sa website na ang lungsod ay may mababang crime index na 39.55 na kapareho sa mga naitala ng mga siyudad ng Dumaguete at Iloilo mula zero sa pinakamababa hanggang 100 na pinakamataas.
Bukod sa pagdedeklara sa Makati bilang isa sa pinakaligtas na lugar sa Pilipinas, hinihikayat ang mga turista na bisitahin ang kanilang iba pang magagandang lugar sa lungsod.
“It has features similar to New York, like the Ayala Triangle Gardens, which is an open park in the middle of three bustling streets. You will also find plenty of museums, shopping opportunities, pubs, restaurants, bars, and more,” ayon pa sa website ng Travel Safe-Abroad.com.
Nito lamang Oktubre 10, kinilala rin ng Southern Police District (SPD) Makati City Police Station (CPS) sa pangunguna nito sa iba pang departamento ng pulisya pagdating sa unit performance evaluation sa buwan ng Setyembre kung saan nakakuha ito ng 92.78 porsiyento sa pagpapatupad ng programa ng PNP.
Sa pagkilala sa Makati CPS ay nagpasalamat naman si Makati City Mayor Abby Binay sa SPD kasabay ng pagpuri sa lokal na pulisya dahil sa kanilang dedikasyon sa pagtugon ng kanilang mga tungkulin.
Ang iba pang lungsod na kabilang sa listahan ng may pinakaligtas na bisitahing lungsod sa naturang website ay ang mga lungsod ng Davao, Bohol, Baguio, Dumaguete, Iloilo, La Union, Palawan, Tagaytay at Valenzuela City. MARIVIC FERNANDEZ