GAMIT ang P 10 million boodle money, nadakip ng PNP-Cybercrime Group sa tulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang tatlong IT experts (information technology) na sinasabing nasa likod ng pag-hack sa Commission on Election (COMELEC).
Kinilala ni CICC Executive Director Cesar Mancao ang mga suspek na sina Joel Adajar Ilagan alias Borger, Adrian de Jesus Martinez alias Admin X and Jeffrey Cruz Limpiado alias Brake/Vanguard at Universe na pawang IT professionals.
Ang mga dinakip ay kabilang sa grupong XSOS na umaangking na-hack nila ang system ng Smartmatic at ipinagmamalaking kaya nilang impluwensyahan ang magiging resulta ng eleksyon.
Ayon kay Mancao, nahuli ang mga suspek sa entrapment operation nitong April 23 sa Imus, Cavite at Sta. Rosa Laguna.
Nasa ₱10-M ang hinihingi ng grupo kapalit ng kanilang gagawing serbisyo, sa mga pulitikong kanilang ini-enganyo subalit gamit ₱10-M ang boodle money ay kumagat sa entrapment operation ng PNP-CCG at CICC na pinamumunuan ni Mancao ang mga suspek.
Konektado umano ang grupo sa pinaghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Ricardo Argana na dating empleyado ng Smartmatic.
Mayroon na umanong inalok na mga pulitiko ang grupo sa pangakong kaya nilang i-hack ang Smartmatic at manipulahin ang voting/counting machine results para manalo sila sa susunod na eleksyon.
Kabilang sa mga kaso ng mga suspek ay paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 partikular ang system interference, illegal access at pagtatangkang gumawa ng cybercrime.
Samantala, pinawi naman ni Mancao na kaya ng grupo ang mang-hack ang manipulahin ang resulta ng eleksyon.
“As I have said earlier itong major group na talagang persistent visible sa dark web na pinagmamayabang nila, sa statement lang nila yun na kaya pero in the back of their minds manloloko lang talaga sila. Hindi nila kaya kahit nagkaroon sila ng access. Controlled pa rin talaga ng Smartmatic and COMELEC,” diin pa ni Mancao. VERLIN RUIZ/ EUNICE CELARIO