NILINAW kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na maaari pa ring kumandidato sa May 13, 2019 elections ang mga taong kabilang sa narco list ng pamahalaan.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Comelec Spokesman James Jimenez kasunod ng pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nais nilang madiskuwalipika sa eleksiyon ang mga taong kasama sa narco list upang hindi na makapuwesto sa gobyerno.
Ayon kay Jimenez, hindi basehan ang pagkakasama sa narco list upang madiskuwalipika ang isang kandidato sa halalan, maliban na lamang kung nahatulan na itong guilty sa kanyang kasong kinakaharap.
“Hindi sila madi-disqualify just because nasa listahan sila,” ani Jimenez, sa panayam sa radyo. “Walang matic na disqualification.”
Nabatid na may 93 halal na opisyal ang nasa narco list ng Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa mahigit sa 200 local officials naman ang nais na ipadiskuwalipika sa Comelec dahil sa sangkot sa iba’t ibang kaso tulad ng droga, korupsiyon at pagpapabaya sa trabaho.
Mayroon namang 18,000 posisyon ang paglalabanan sa May 13, 2019 elections, kabilang dito ang 12 senators, 59 partylist representatives, 243 district representatives, 81 governors, 81 vice governors, 776 provincial board members,145 city mayors, 145 city vice mayors, 1,624 city councilors, 1,489 municipal mayors, 1,489 municipal vice mayors, 11,916 municipal councilors, isang ARMM governor at vice governor, at 24 na assemblymen. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.