NAG-RESIGN na bilang Philippine National Police (PNP) chief si Police General Oscar Albayalde at pinili ang nonduty status sa huli niyang flag raising ceremony kahapon sa Camp Crame.
Sa kaniyang huling talumpati, inamin nito na kaniyang Isinumite ang liham ng pagbibitiw (relinquishment) kay Interior Sec. Eduardo Año.
Papalit pansamantala sa puwesto ni Albayalde bilang OIC PNP chief si Chief for operation Police Lt.Gen Archie Gamboa.
Aniya, hihintayin na lang niyang dumating ang araw ng kanyang pagreretiro sa Nobyembre 8.
Una nang nadawit ang pangalan ni Albayalde sa umano’y ninja cops ng Pampanga.
Ang terminong ninja cops ay nagre-recycle ng mga ebidensiyang droga na kanilang nakukumpiska saka muling ibinebenta.
Muling dinepensahan ni Albayalde ang kaniyang sarili na hindi siya kinasuhan sa maanomalyang 2013 Pampanga drug operations at hindi siya kailanman nakinabang sa nasabing operasyon.
Nagpasalamat siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa tiwala na ibinigay sa kanya habang pinayuhan ang lahat ng mga pulis at sinabing ituloy ang dedikasyon sa serbisyo.
Dagdag pang payo ni Albayde na ituloy ng pulisya ang pagseserbisyo sa taumbayan para patuloy na magkaroon ng kapayapaan sa bansa.
Nagpasalamat din si Albayalde sa lahat ng kaniyang opisyal at buong 190,000 police force at sa media. REA SARMIENTO