DAPAT unahin ang priority groups sa mga babakunahan pa.
Ayon ito kay Dr. Tony Leachon, public health expert, para makaiwas pa sa matinding epekto ng COVID-19 at sa gitna na rin ng nalalapit na expiration ng COVID-19 vaccines sa susunod na buwan.
Sinabi sa DWIZ ni Leachon na kailangang matutukan ang vaccination rate sa mga negosyo na unti unti na ring nagbubukas at huwag munang ipilit ang pagbahay-bahay para makapagturok sa mga hindi pa bakunado.
Kasabay nito hinimok ni Leachon ang mga dapat magpa- booster na dahil mawawala na ang bisa nito makalipas ang anim na buwan bukod sa magtatag -ulan na kayat kailangang maging protektado sa iba pang mga sakit.
Samantala, umarangkada na ang week long special COVID-19 vaccination drive sa Maguindanao na layong mapataas ang vaccination rate ng lalawigan.
Ayon kay Dr. Gina Macapeges, pinuno ng Integrated Provincial Health Office-Maguindanao Technical Division, 29% pa lamang ng 322,433 total population ng lugar ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Sinabi naman ng Bangsamoro Information Office na 10 kilong sako ng bigas mula sa Ministry of Social Services and Development ang ipinamahagi sa vaccine recipients sa kick-off ceremony ng nasabing programa.
Isasagawa ang special vaccination activities sa mga paaralan, private hospitals, public markets, military camps, at government offices kasama ang mobile teams upang marating ang malalayong lugar.
Maliban sa Maguindanao, idinaos din ang special vaccination days sa Basilan at Sulu mula Mayo 11 hanggang 13, at nakatakda rin itong isagawa sa Tawi-Tawi at Lanao Del Sur ngayong linggo.
Ayon kay Department of Health Undersecretary Dr. Abdullah Dumama, 28% pa lamang ng populasyon ng BARMM ang nakakumpleto na ng bakuna.