WINASAK ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang PNP Drug Enforcement Unit at Bureau of Customs (BOC) ang nadiskubreng shabu laboratory katabi ng isang kilalang drugstore sa kahabaan ng C3 road, Caloocan City.
Sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, isang kitchen type /small scale laboratory ang sinalakay ng kanilang mga tauhan katuwang ang PNP-NCRPO sa may C3 corner A. Mabini Street, Brgy. 23, Caloocan City bandang ala-6:30 kamakalawa ng hapon.
Ayon naman kay MGen. Felipe Natividad, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isinagawang imbestigasyon ay inilunsad ang joint anti-illegal drug operation base sa mga nakalap na impormasyon ng PDEA.
Sa pahayag ng PDEA, kayang makagawa ng tatlo hanggang limang kilo ng shabu kada araw ang nasabing shabu laboratory.
Sa loob ng naturang laboratoryo ay natagpuan ang mga drug paraphernalia at mga finished product na liquid shabu na nasa loob ng refrigerator.
Hinala ng mga awtoridad na may koneksyon ito sa nasabat na 231 kilo ng shabu sa Valenzuela City noong Martes.
Samantala, wala namang naaresto sa isinagawang operasyon na patuloy na iniimbestigahan ng PDEA.
VERLIN RUIZ