NASAAN NA ANG BILYON-BILYON?

MASAlamin

HINIHIMOK natin ang liderato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bigyan din ng atensiyon ang napabalitang bilyon-bilyong pisong nawala sa kaban ng bayan noong nakaraang administrasyon.

Sa totoo lang, hindi naman na arok ng mga kamasa natin ang mga pigurang P130 bilyon o P19 bilyon man. Sa mga nagsisikap mabuhay sa halagang P44 kada isang araw, na halaga ng isang kilong bigas, wala pang ulam ‘yan at gaas o uling man para panluto, kapag binabanggit natin ang ganyang kalaking halaga ng salapi, e medyo lampas sa radar nila.

Ang nawawalang P130 bilyon ay maaalalang ibinunyag ni Sen. Ralph Recto noon, at ang halagang kanyang binabanggit ay patungkol sa P170 bilyong Malampaya Fund.

Ang Malampaya Fund po ay madalas na­ting naririnig, kasama na riyan ang imbestigasyon sa tinatawag na Janet Napoles Scam kung saan ilang bilyon din ng pondo mula sa Malampaya Fund na para sana sa mga mahihirap nating kababayan ay naibulsa lamang ng iilan, sa tulong ni Napoles.

Ang Malampaya Fund ay ang kabuuang pondong mula sa royalties galing sa oil at gas field operations sa karagatang mata-tagpuan bandang Palawan. Matapos ang termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay may iniwan siyang mahigit sa P136 bilyon sa Malampaya Fund. Minana ito ng sumunod na administrasyon. Base sa mga ulat noon,  umabot na lumobo sa P170 bilyon ang Malampaya Fund. Ayon sa record naman ng Department of Budget and Management, P25 bilyon ang nagastos ng ad-ministrasyon ni GMA mula rito at P15 bilyon naman ang nagastos ng nakaraang administrasyon o kabuuang P40 bilyon. Ang tanong, nasaaan ang sukling P130 bilyon?

Samantala, si Sen. Francis Escudero naman ay may hinahanap ding pondo noon, ito naman ang P19 bilyon na inutang ng bansa mula sa Asian Development Bank (ADB) upang ipantustos sa Conditional Cash Transfer program ng pamahalaan. Ang P19 bilyon ay 30% ng total na nai-release sa Department of Social Welfare and Development para sana sa milyon-milyong mahihirap na pami-lyang Filipino sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Agad-agad namang nagpaliwanag ang ADB na ang datos na ginamit ni Sen. Escudero ay mula pa sa 2009 na ginawang pag-aaral ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS).

“As such, we are confident that the issue raised is no longer the case in the ongoing conditional cash transfer program,” paha­yag ng ADB sa website nito.

Magkaiba po, mga kamasa, kapag sinabi ng ADB na “we are confident” at “based on our records.” Ang una po ay sapantaha lamang at ang ikalawa ay may basehan. Sapantaha lamang ang isinagot ng ADB sa isyu na inilutang ni Escudero.

Bilyon-bilyong piso po ‘yan na dapat ay maibalik sa mamamayan.

Comments are closed.