NASAGASAAN NG SUV: PULIS PATAY, TRAFFIC ENFORCER SUGATAN

CEBU CITY – HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang pulis matapos araruhin ng kotse habang sugatan ang traffic enforcer na nasagi nito ng kanyang motorsiklo, kahapon ng umaga sa lungsod na ito.

Sa ulat ng pulisya, ang biktima na binawian ng buhay ay kinilalang  si Pat. Carlo Tachado Bayato, 28-anyos, residente ng Barangay Cubacub, Mandaue City habang patuloy namang ginagamot sa ospital ang sugatan na si Cesar Silva, 31, kasapi ng Cebu City Traffic Operations Management (CITOM).

Batay sa report ng Traffic Enforcement Unit (TEU) sa Cebu City Police Office (CCPO), bandang alas-4:38 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng M. Cuenco Ave. at J. Panis Street, sakop ng Barangay Kasambagan, Cebu.

Habang ang suspek at driver ng Hyundai sub-compact sports utility vehicle (SUV) na si Luziane Marron Uy Ty, 22-anyos, residente ng Barangay Talamban, Cebu ay hawak na ng  awtoridad.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagtatrapik si Silva sa nasabing lugar sa ginagawang fun-run nang bigla na lamang itong mabangga ni Bayato ng minamanehong Yamaha Nmax.

Dahil dito, bumulagta sa kalsada ang dalawa nang bigla na lamang sumulpot ang kotse ni Ty at nasagasaan nito si Bayato.

Agad naman dinala sa ospital ang dalawa subalit idineklara na rin patay si Bayato ng attending doctor sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Sumuko naman sa pulisya si Ty at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury and damage to pro­perty.

EVELYN GARCIA