NASUGBU BATANGAS SENTRO NG LINDOL

NASUGBU

AGAD na binalaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga Batangueño na mag-ingat matapos yanigin ng lindol na magnitude 5.5 ang probinsiya ng Batangas at Metro Manila kahapon, bandang 12:25 p.m.

Ayon sa NDRRMC, posibleng magkaroon pa ng aftershocks kaya mas mabuting huwag munang lumabas sa bahay.

Ayon naman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tectonic lamang ang nasabing lindol na may lalim na 123 kilometro, na ang sentro ay 54 kilometro kanlurang bahagi ng Nasugbu, Batangas.

Matatandaang sa taong ito pa lamang ay tatlong ulit nang na­ging sentro ng lindol ang Batangas.

Ang Batangas ay baybaying probinsiyang napapalibutan ng dagat kaya may posibilidad na magkaroon ng tidal wave.

Noong 1972, nagkaroon na ng tidal wave sa nasabing bayan, ngunit naiwasan ang trahedya dahil sinalo ito ng Isla Fortuna at ng Punta Fuego.

Ngunit, ngayon umanong nakakalbo na ang malaking bahagi ng kabundukan sa Nasugbu ay may posibilidad na maganap ang trahedya kung muling magkakaroon ng tidal wave.

Samantala, Intensity 4 naman ang naramdaman sa Metro Manila, Lubang at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro na kahalintulad ng pagdaan ng malalaking cargo truck.

Intensity 3 naman ang naramdaman sa mga bayan ng Buco, Talisay, Tumaway at Calatagan sa Batangas, na kahalintulad ng vibration ng pagdaan ng hindi gaanong mabigat na truck.    NENETTE VILLAFANIA

Comments are closed.