NASUNUGAN SA TONDO, PINAMASKUHAN NI BONG GO

TINULUNGAN ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga biktima ng sunog sa Lungsod ng Maynila bago ang Pasko. Ang relief acti­vity ay bahagi ng pagsuporta ng senador sa mga bulnerableng sektor, lalo ang mga nahaharap sa krisis ngayong Kapaskuhan.

Namahagi ang Malasakit Team ni Go ng grocery packs, lalagyan ng tubig, meryenda, kamiseta, bola para sa basketball at volleyball sa 210 apektadong pamilya. Namigay rin sila ng bisikleta, relo, mobile phone, at mga pares ng sapatos.

Nagtungo rin ang mga tauhan ng National Housing Authority para sa kinakailangang tulong sa pabahay sa mga benepisyaryo upang matu­lungan silang muling itayo ang kanilang mga tahanan.

Idinaos ang relief activity sa Barangay 95 gymnasium sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Captain Ronnie Lee.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng moder­nisasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang mapahusay ang kahandaan at kakayahan ng mga bumbero sa pag­harap sa mga emergency, partikular ang sunog.

Ang planong moder­nisasyon, gaya ng nakabalangkas sa Republic Act 11589, na iniakda at itinaguyod ni Go, ay kinabibilangan ng ilang mahahalagang aspeto.

Kabilang dito ang pagkuha ng mga bagong gamit sa paglaban sa sunog, pagda­ragdag ng bumbero, at pag-aalok ng espesyal na pagsasanay.

Hinimok din ni Go ang mga residente na humi­ngi ng tulong sa Malasakit Centers sa lungsod na matatagpuan sa Tondo Medical Hospital, Philippine General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Hospital at San Lazaro Hospital.

“Kung meron ho kayong pasyente at kailangan po ng tulong sa pagpapaospital, magsabi lang kayo. Tutulungan ho namin kayo, hanggang makabalik kayo sa inyong pamamahay,” ani Go.