NASUNUGANG CREW MEMBERS NG FISHING BOAT INAYUDAHAN

MASBATE- NAGPAABOT na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development- Bicol Region sa 12 crew members ng nasunog na fishing boat sa Masbate nitong makaraang Hunyo 5.

Ayon sa DSWD, titiyakin nito ang kanilang patuloy na koordinasyon sa concerned local government units para sa probisyon ng tulong.

Batay sa ulat ng Bicol Regional Office, naglalayag sa karagatan ng Daang-Bantayan sa Masbate ang fishing vessel nang bigla na lamang sumabog at nasunog ito.

Anim na crew members ang nakaligtas habang anim ang namatay sa insidente.

Binigyan na ng tig P5,000 cash aid ang tatlong survivors at funeral assistance naman ang naipagkaloob na sa apat na namatayang pamilya.

Katuwang din ng DSWD ang Local Government Units ng Cawayan at Balud sa lalawigan sa pagbibigay ng psychological first aid sa mga nakaligtas at sa kanilang pamilya. P ANTOLIN