NASYUNAL PEACE TALKS GAWIN SA PINAS–MALAKANYANG

Spokesman Harry Roque

WALANG nakikitang rason ang Malakanyang na gawin pa sa bansang Norway ang peace negotiation sa pagitan ng gobyerno ng Filipinas at Communist Party of the Philippines- New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na rin kailangan ang third party facilitator para mamagitan sa usapan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.

“Hindi naman po kinakailangan pa na ma­ngibang bayan para ma­kipag-usap ng kapayapaan lamang dahil tayo naman pong lahat ay Filipino at paulit-ulit pong ginaga­rantiyahan ng ating Pa­ngulo iyong seguridad ni Joma Sison kung siya po ay uuwi,” wika ni Roque.

Sinabi pa ni Roque na paulit-ulit ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasagutin nito ang lahat ng gastos habang naririto sa Filipinas si Joma Sison at siya pa mismo ang mag-e-escort  dito papuntang airport para makaalis muli ng bansa.

“Pare-pareho naman tayong Filipino puwedeng pag-usapan na ‘yan dito sa Filipinas. Bakit kinakailangang lumayo pa?” giit pa ni Roque.

Ayon kay Roque malaking halaga ng salapi ang magagastos ng gob­yerno kung sa Norway pa gagawin ang pag-uusap at sa halip ay mas makabu­buting gamitin na lamang ng goyerno na pang tulong ang salaping matitipid sa mga rebelde na patuloy na lumalaban sa gobyerno.

“Pero, you know any party who wants to help and who’s been involved in the process can help. Pero ang punto lang ni Presidente  e, hindi niya na maintindihan kung bakit kinakailangan pa sa ibang bansa ang pag-uusap,” dagdag pa nito.

Nilinaw ni Roque na bukas pa rin ang pamahalaan sa ibang partido na nais tumulong para tulu­yang maselyuhan ang peace talks.

Ayon pa kay Roque, ipaparating ng gobyerno ng Filipinas sa Norway ang desisyon ng gobyerno kaugnay sa paglipat ng venue ng peace talks.

Nauna rito, nakatakda sanang ganapin sa Oslo, Norway sa Hunyo 28 ang pagpapatuloy ng negosasyon sa peace talks subalit, pansamantalang kinansela ng Pangulong Duterte upang magbigay-daan sa public consultations.

Sa darating na buwan ng Hulyo ang nais ng Pa­ngulo na ipagpatuloy ang peace talks ng dalawang panig.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.