ZAMBOANGA CITY- SINIBAK sa puwesto ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-9 Regional Director Maharani Gaodani Tusoc ang 12 tauhan kabilang na ang opisyal nito kaugnay sa naganap na pagtakas ng pitong drug detainees nitong Lunes.
Ayon kay Tusoc, kabilang sa kanyang sinibak ay si PDEA Zamboanga City Office chief Marvin Santos at 11 pang tauhan nito.
Sinabi ni Tusoc na pinalitan sila at inilipat sa regional office para bigyang-daan ang imbestigasyon.
Ayon pa ng opisyal na bumubuo sila ng isang tracker team na binubuo ng mga sundalo, pulis at mga ahente ng PDEA para tugisin ang mga tumakas.
“Base sa ulat ng tracking team, hindi pa nakakaalis sa Zamboanga City ang mga pugante,” ani Tusoc.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na winasak ng mga suspek ang kisame at bahagi ng dingding ng detention cell gamit ang isang piraso ng metal.
Sinusubukan din ng awtoridad na matukoy kung paano nakuha ng mga suspek ang metal at ginamit ito para sa kanilang pagtakas.
EVELYN GARCIA