NAPILITAN nang lumantad kahapon ang SUV driver na nanagasa ng security guard sa Mandaluyong City kamakailan matapos na maglabas ng ultimatum si Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na dakpin ang suspek oras na hindi pa ito lumutang.
Kinokonsidera ngayon ni Danao na “case solved” ang kaso ng hit-and-run sa biktimang si Christian Joseph Florade makaraang personal na humarap sa kanya sa Camp Crame kahapon ng tanghali ang pangunahing suspek sa insidente.
Dumulog sa tanggapan ni Danao ang suspek na si Jose Antonio San Vicente kasama ang kanyang mga magulang at abogado.
Kasunod ng ginanap na pulong balitaan, inamin ng mga magulang ng suspek na nagdesisyon na silang humarap sa PNP kasama ang kanilang anak matapos marinig ang “ultimatum” na ibinigay ni Danao.
Tiniyak ng mga magulang ni San Vicente na sasagutin nila ang lahat ng medikal na pangangailangan ng security guard na nananatiling nasa ospital matapos sagasaan at abandonahin ng suspek.
Ani Danao, ngayong sumuko na ang suspek ay isasailalim ito sa preliminary investigation para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Magugunitang ipinag-utos ni PNP OIC Chief, ang pag aresto sa SUV driver na sumagasa sa security guard nitong Hunyo 5 kasabay nang pagpapalabas ng lookout bulletin ng DOJ bagaman wala pang warrant of arrest na inilalabas ang korte.
May basehan umano ang utos ni Danao na pag-aresto kay San Vicente dahil ito ay isang ‘continuing crime’.
Una nang sinampahan ng kasong frustrated murder and abandonment of one’s own victim ng Mandaluyong Police si San Vicente kung saan ay may lima pang kaso ito.
Sa records ng LTO, tatlong beses nang nahuli si San Vicente dahil sa kasong reckless driving noong 2010,2015 at 2016. VERLIN RUIZ
IMMIGRATION OFFICERS SA NAIA NAKAALERTO
NANANATILING nakaalerto pa rin ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International airport (NAIA) nang ipag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang look out bulletin laban sa suspek na nakasagasa sa isang security guard nitong nakaraang Linggo.
Ang naturang kautusan ay batay sa tatlong pahinang order ni Justice Secretary Menardo Guevarra na i-monitor si Jose Antonio Valmonte San Vicente, ang driver ng SUV na sumagasa kay Christian Joseph Florade habang nagmamando ng trapik sa Julia Vargas Avenue, Mandaluyong City.
Ang immigration lookout bulletin ay may kaugnayan sa criminal complaint na Frustrated Murder and abandonment of One’s Own Victim na isinampa laban kay San Vicente sa opisina ni Assistant City Prosecutor Jofre Z. Andrion sa Mandaluyong City. FROILAN MORALLOS