NABABANAAG ni Pangulong President Ferdinand R. Marcos Jr. ang maliwanag at ganadong ekonomiya sa mga susunod na araw.
Ito ay kasunod ng pagbaba ng bilang ng walang trabaho habang tumaas ng hanggang 47.11 milyon ang may hanapbuhay sa unang buwan ng ikaapat na bahagi ng 2022 o nitong Oktubre.
Sa kanyang video message, tiniyak ni Pangulong Marcos na maiibsan na ang lahat ng alalahanin at pagsubok na nararanasan maging ng buong mundo gaya ng mataas na presyo ng bilihin.
“Ang balita na tumaas ang inflation rate na hanggang eight percent last November. Mayroon naman kasabay na mas magandang balita na bumaba ang unemployment rate sa four and a half percent mula sa five percent,” ayon kay Presidente Marcos.
Kumpiyansa rin siya na hindi magkakaroon ng recession sa Pilipinas kahit pa tumaas ng 8% ang inflation rate nitong Nobyembre.
“Kaya’t kahit papaano ay malakas ang loob natin na hindi tayo magkakaroon ng recession dito sa Pilipinas dahil masyadong mababa ang unemployment rate at kung maaalala ninyo sa pagsimula namin dito sa administrasyong ito ay pinag-usapan na namin ay trabaho talaga ang aming uunahin. Kaya’t ‘yan ang nakikita ngayon natin na nangyayari. Ipagpatuloy lang natin ‘yan,” giit ng Pangulo.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na nagtatrabaho ang kanyang administrasyon upang pigilan ang epekto ng inflation o pagsirit ng galaw ng mataas na presyo ng bilihin at bayarin.
“At asahan ninyo na lahat ng paraaan na maari nating gawin ay gagawin natin para pababain ang inflation rate at gawing mas mabagal man lang ang pagtaas ng presyo,” ayon pa sa kanya.
Batay sa Philippine Statistics Authority’s (PSA) preliminary results ng labor force survey, bumaba ng 4.5 percent nitong Oktubre ang unemployment rate na mas mababa sa 7.4 percent sa kaparehong panahon noong 2021 gayundin sa 5 percent nitong September 2022.
Ang nasabing porsiyento ay katumbas ng 2.24 milyong pagbaba ng walang trabaho nitong Oktubre mula sa dating 3.5 milyon noong isang taon.
Sinabi rin ng PSA na ang employment rate nitong Oktube ay nasa 95.5 percent, na mas mataas ng sa 95 percent noong Setyembre na pinakamataas simula Enero 2020.
EVELYN QUIROZ