SINAMAHAN ni Senador Christopher “Bong” Go si Pres. Rodrigo Duterte sa pag-inspeksiyon sa National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac kamakalawa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na matagal nang pangarap ni Go, noong aide pa niya ito, na makapagtayo ng isang sports complex sa bansa na magpapasilidad sa pagsasanay sa mga aspiring athlete, kasabay ng pagbibigay sa mga ito ng de kalidad na edukasyon.
“At the time he was an aide, dream niya talaga ito (NAS),” ayon pa sa pangulo.
Sinabi naman ni Go na ang paghubog ng mga mahuhusay na atleta, na makapaghahatid ng karangalan sa bansa ay nangangailangan ng collective effort para sa buong bansa.
Dagdag pa niya, ang mga mahuhusay na atleta ay hindi basta na lamang sumusulpot at sa halip ay nangangailangan ng matagal na panahong pagsasanay, na may kaagapay na ‘whole-of-nation approach’ upang matiyak rin ang kanilang kapakanan.
“Ang paghuhubog ng mga atletang magbibigay karangalan sa ating bansa ay isang kolektibong pagsisikap ng sambayanan. Mahirap maabot ang kanilang pangarap para sa kanilang sarili, pamilya at bansa kung wala pong sapat na suporta,” aniya pa.
“Ang tagumpay nila ay tagumpay ng buong sambayanan. Ngunit ang tagumpay na ito ay nangangailangan rin ng karampatang pagsisikap hindi lang mula sa atleta kundi pati na rin sa atin na may tungkuling suportahan sila sa kanilang preparasyon at kompetisyon,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang bisyon na makapagkaloob ng dedicated academy para sa mga promising young athletes, iniakda at inisponsoran ni Go ang panukala sa Senado na naging Republic Act No. 11470 noong 2020. Ang naturang batas ang nagbigay-daan sa pagtatayo ng NAS System at Main Campus.
Ang NAS ay nag-aalok rin ng secondary education program na may integrated special curriculum sa sports na dinebelop sa masusing pakikipagtulungan sa Department of Education at Philippine Sports Commission.
Ang academy ay mayroong world-class sports facilities, housing, sapat na bilang ng mga silid araalan, mga pasilidad at iba pang amenities na tumatalima sa international standards.
Upang matiyak naman ang international competitiveness ng mga student-athletes, nagkakaloob rin ang academy ng serbisyo ng mga lisensiyado at internationally-certified foreign coaches, trainers at consultants, na duly certified ng PSC.