NATIONAL ACADEMY OF SPORTS ISUSULONG SA SENADO

bong-go

ISUSULONG ni Senador Christopher Bong Go ang Senate Bill 397 o mas kilala sa tawag na National Academy of Sports for Senior High School Students bill.

Ani Go, layon ng panukala na magtatag ng  NASSHS nang ma­siguro ang “better future” sa mga kabataang naghahangad na maging atleta  na lalaban para sa bayan.

Sinabi pa nito, hangad din ng panukala  na magbigay ng  scholarship grants at tututok sa pag-develop sa mga batang atleta na mayroong  skills sa palakasan upang masi­guro ang magandang kinabukasan ng mga deserving  na kabataan.

Ayon pa sa senador, kilala ang mga Pinoy na sports lover at  bilang patunay ay ang pagsuporta pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa  laban ng Gilas Pilipinas na personal na sinaksihan pa nito sa China.

At dito, pinatunayan ng mga manlalarong Pinoy na kahit dehado sa laban ay hindi pinanghihinaan ng loob at patuloy na lumalaban.

Binigyang diin pa na hindi lamang mahahasa ang skills ng mga kabataan sa larangan ng sports, tiyak ding mailalayo ang mga ito sa tukso ng illegal drugs at iba pang hindi magandang bisyo.

Kaugnay nito,  kinumpirma ni Go na nagkaroon na siya ng inisyal na pulong sa Department of Education, Department of Budget and Management, at Philippine Sports Commission  kung saan lahat ng mga ahensiyang ito ay nagpahayag ng  suporta sa naturang programa. VICKY CERVALES

Comments are closed.