BILANG paghahanda sa darating pang mga kalamidad gaya ng malalakas na lindol, mapaminsalang bagyo at baha, inihain ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang naglalayong itaas o palakasin ang building safety standards ng bansa.
Pangunahing layunin ng Senate Bill 1239 na isailalim sa masusing pag-aaral ang 1977 National Building Code of the Philippines na magpahanggang ngayon ay hindi pa nagkakaroon ng pagbabago.
“Experience tells us that there is an urgent need to strengthen the overall policy on how buildings and structures are built in the country. Not to mention the country’s geographical location along the boundary of major tectonic plates and at the center of the typhoon belt, coupled by its socially and economically vulnerable population, it becomes even more imperative to review our four-decade-old National Building Code,” paliwanag ni Lacson.
Naobserbahan ng senador na hindi kaya ng mga gusali at establisimiyento ang mga malalakas na pagyanig at mapaminsalang bagyo at baha kaya marami ang nasirang ari-arian, kagamitan at hindi rin naiwasang may magbuwis ng buhay.
Noong Disyembre 15, mistulang yinugyog ang bahagi ng Davao del Sur nang tamaan ito ng magnitude 6.9 na lindol na ikinabagsak ng mga establisimiyento at maging ng isang water reservoir doon.
Sa kanyang panukalang batas, hinihikayat ni Lacson ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan maging ng pribadong sektor, sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tungo sa mas matibay at pangmatagalang mga gusali, imprestruktura at pasilidad.
Kabilang sa mga pangunahing nilalaman ng Senate Bill 1239 para higit na maging handa ang Filipinas sa mga kalamidad ay ang mga sumusunod:
- Pagpapabilis sa proseso ng building classification, kasama na ang permit application
- Pagkonsidera sa multiple hazards at iba pang aspetong pangkaligtasan sa pagtatayo ng gusali
- Pagbuo ng inter-agency at multi-sectoral regulatory body
- Regulasyon sa kakayahan at kaligtasan ng mga lumang gusali
- Insentibo sa mga gagamitin ng mga sustainable at ligtas sa kalikasan na mga materyales sa pagtatayo ng gusali
“With the recent effects of climate change and the increasing magnitude of natural and human-induced disasters that confront us as a nation, a few things are clear: Disaster preparedness is key to saving lives and properties, and that multi-sectoral cooperation proves more effective than just government efforts alone,” diin ni Lacson.
“The key points and objectives of the bill all point towards improving the safety of lives, betterment of public welfare, preservation of the environment, risk mitigation from hazards, and evidently, sustainable development,” dagdag pa niya. VICKY CERVALES