Noong Agosto ay inilunsad ng PhilHealth ang Outpatient Therapeutic Care (OTC) Benefits Package for Severe Acute Malnutrition (SAM) para sa higit 1.5 milyong batang Filipino na apektado ng naturang kundisyon. Katunayan nga ay isa ang bansa sa may pinakamataas na kaso ng malubhang malnutrisyon sa East Asia. Patuloy itong nakakaapekto sa ating mga kabataan sa kabila ng mga programa para labanan ang kundisyong ito.
Kaya naman ang OTC for SAM ay tiyak na makatutulong sa gamutan at tamang pag-alaga ng mga batang apektado nito. Ito ay nakalaan para sa mga sanggol na wala pang anim na buwan at mga batang anim na buwan pataas, ngunit hindi lalagpas sa limang taon.
Para makagamit ng benepisyo, kailangan silang pumasa sa criteria na itinakda ng PhilHealth na batay sa mga panuntunan ng Philippine Integrated Management for Acute Malnutrition o PIMAM. Para sa mga infant hanggang bago mag-anim na buwan, dapat matiyak na ang timbang nila ay napakababa para sa kanyang height o tangkad ng katawan. Ayon sa itinakda ng PIMAM, ang kanilang timbang ay dapat mas mababa ng tatlong grado sa normal.
Bukod pa rito, ang mga sanggol na mababa sa anim na buwan ay dapat matiyak na mayroong bilateral pitting edema sanhi ng build up ng excess fluids sa katawan ng sanggol. Isa sa mga senyales nito ay kapag pinindot ng nasa tatlong segundo ang ibabaw ng magkabilang paa ng sanggol ay mag-iiwan ng marka o paglubog sa balat.
Ang mga kwalipikasyon naman para sa mga batang anim na buwan hanggang limang taon ay katulad din ng mga nabanggit. Ngunit kailangan nilang pumasa sa appetite test para masigurong pasok sa criteria.
Kasama sa mga serbisyong maaaring makuha sa OTC para sa SAM ay ang mismong assessment na gagawin sa mga PhilHealth-accredited facilities. Dagdag pa rito ang counseling sa nutrition at tamang pagpapakain sa mga sanggol at bata, exclusive breastfeeding support, child development and nurturing care, at lingguhang follow-up visit ng duktor. Para sa mga 6 months hanggang 5 years old, kasama na rin ang pagbibigay ng ready-to-use therapeutic food o RUTF.
Ang RUTF ay kadalasang gawa sa powdered milk, peanuts, butter, at asukal na may halong vitamins at mineral ayon sa rekomendasyon ng World Health Organization. Paalala lang, Rolly, ang RUTF ay kailangang kainin ng bata kasabay ng malinis na inuming tubig. Ang sanggol o batang inirekomendang kumain ng RUTF ay wala nang iba pang dapat kainin bukod sa breast milk.
P7,500 ang sagot ng PhilHealth kada taon para sa mga sanggol na mababa sa anim na buwan. Samantalang P17,000 naman taun-taon para sa mga batang anim na buwan hanggang 5 years old. Ang mga halagang ito ay babayaran ng PhilHealth sa mga accredited-facilities ng dalawang tranches. Ang unang bayad ay matatanggap nila matapos ang initial assessment (P1,500 para sa mga sanggol at P2,000 para sa mga batang hanggang limang taon). Ang natitirang halaga naman ay ibibigay sa pasilidad matapos ang mga follow-up visits na aabot hanggang 15 visits.
Paalala ng inyong PhilHealth, walang dapat bayaran ang ang mga magulang ng pasyente. Hindi dapat singilin ng pasilidad ang anomang halagang sosobra sa benefit package ng PhilHealth. Sagot namin lahat!
Ang OTC for SAM ay maaaring gamitin sa mga rural health units, barangay health stations, at primary care providers.
PAALALA
Inaanyayahan ng PhilHealth ang lahat ng rural health units, barangay health stations, at primary care providers na magpa-accredit bilang OTC for SAM provider. Madali lang! Kailangan lang na may updated Department of Health License to Operate at updated PhilHealth accreditation ang pasilidad para maging OTC for SAM provider.
Para sa iba pang requirements: https://www.philhealth.gov.ph/circulars/2024/PC2024-0017.pdf – nakapaloob sa Annex C
BALITANG REHIYON
Pinagtulungan ng PhilHealth Local Health Insurance Office-Manila at Manila City Government Employees Clinic na irehistro sa Konsulta ang mga estudyante ng Unibersidad De Manila. Sila ay binigyan din nga impormasyon sa mga benepisyong maaari nilang magamit bilang miyembro ng PhilHealth sa isinagawang Konsulta sa ‘Skwela.