Dahil ngayong buwan ay National Children’s Month, nais lubusin ng inyong PhilHealth ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga benepisyong nakalaan para sa mga bata. Ngayon naman ay talakayin natin ang Z Benefits para sa mga batang may developmental at visual disabilities, at mobility at hearing impairment.
May Z Benefits para sa assessment at discharge assessment para sa developmental disabilities na aabot hanggang P5,276. Sagot nito ang mga serbisyo para tugunan ang kundisyon ng mga batang may delay sa development ng kanilang sensorimotor, communication, social, emotional, at behavioral skills. Sa ganitong paraan, matutulungan sila ng PhilHealth na lagpasan ang mga hamon ng kanilang kundisyon. Bukod pa ang P5,000 na benepisyo para sa rehabilitation therapy sessions na pwedeng magamit hanggang 10 sessions.
Para naman sa children with visual disabilities, may benepisyong magagamit na hanggang P13,820 para sa optical aids, depende sa pangangailangan ng pasyente. Ang coverage naman para sa kanilang assessment ay mula P7,350 hanggang P31,920 para masigurong tama ang kanilang magiging gamutan. Samantalang may yearly diagnostic benefits na aabot sa P3,220 para sa Category 1 to 4 na pasyente, at P780 kada taon sa Category 5 patient.
Sa mga batang hirap sa paggalaw na kailangan ng wheelchair, ang Z Benefit na kanilang magagamit ay P12,730 hanggang P29,450. At iyong mga mangangailangan ng iba pang assistive devices para maigalaw nang maayos ang kanilang siko, balakang, tuhod, at paa ay may aasahang benepisyo mula P13,110 hanggang P163,540. Sakop ng mga nabanggit ang assessment, pagsukat at fitting ng mga assistive devices, at rehabilitation services.
Panghuli, sasagutin ng PhilHealth ang hearing aid ng mga batang hirap sa pandinig o may hearing impairment. Maraming klase ito at depende sa edad ng pasyente. Mayroong hearing aid para sa mga batang wala pang 3 years old, 3 to 6 years old, at 6 to less than 18 years old. Ang benefit packages ay P45,400, P54,100, at P43,880, ayon sa pagkakasunod. Bukod pa sa mga ito ang speech therapy assessment, speech evaluation, pagpapalit ng hearing aid, at iba pa na pwedeng umabot sa higit P60,000 ang coverage.
Paalala ng PhilHealth, ang mga Z Benefits na ito ay magagamit ng kabataang wala pang 18 taon gulang. Dapat ay pumasa sila sa pre-authorization para makagamit ng benepisyo. Kaya naman magpunta na sa Z Benefit-contracted hospital at sumailalim na sa pre-authorization para agad malaman kung makagagamit ng benepisyo. Para sa listahan ng mga contracted hospitals:
https://www.philhealth.gov.ph/partners/providers/facilities/contracted/
ANUNSYO
Ang dengue ay isa sa mga sakit na nagpapahirap sa mga Pilipino. Katunayan, nasa P98 milyon ang ibinayad ng PhilHealth sa higit 6,300 dengue claims noong 2022. Sa bisa ng PhilHealth Circular No. 2024-0025, pinataas na mula sa P16,000 ang coverage para sa severe dengue.
Ngayon, P47,000 na ang sagot ng PhilHealth para sa gamutan sa severe dengue. Bahagi ito ng aming kampanya sa pagpapabuti ng mga benepisyo nito at bigyan ng mas malawak na suporta ang mga pasyente sa kanilang pagpapagamot.
Makaaasa ang lahat na patuloy ang PhilHealth sa pagtugon sa mga hamong pinansyal dulot ng mga sakit at gamutan. Kaya huwag matakot sa pagpapagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!
BALITANG REHIYON
Nagsagawa ng Service Caravan ang PhilHealth Local Health Insurance Office-Romblon kasabay ng pagdaraos ng Division-Wide World Teachers’ Day Celebration na ginanap sa Dome San Agustin Romblon. Dito ay inirehistro sa PhilHealth ang mga dumalo at binigyan ng kaalaman ukol sa mga benepisyo na kanilang maaaring matanggap.