NATIONAL DAY NG SINGAPORE

Magkape Muna Tayo Ulit

NGA­YONG araw ang paggunita ng ika-54 na anibersayo ng kasarinlan ng bansang Singapore. Ayon sa kanilang kasaysayan, nagsimula ang nasabing isla bilang isang trading settlement o lugar kung saan nagpapalitan ng mga pagkain at mga bagay-bagay na nagmumula sa iba’t ibang tribu ang mga dayuhan. Mga lahing Malay ang dating namumuno sa isla ng Singapore tulad sa bansang Malaysia, Indonesia at Fi­lipinas.

Naghari ang Sultan ng Malacca at pagkatapos ay ang Sultan ng Johor bago ito nadiskub­re ng mga dayuhang Ingla­tera kung saan ang pakay noong mga panahon na iyon ay palawakin ang kanilang emperyo. Sila at ang mga bansang Spain, Portugal, France, Dutch (Netherlands) at Germany na pawang mga dominating na bansa noong mga panahon na iyon.

Noong 1819 si Sir Thomas Stamford Raffles ay nakipagnegosas­yon sa Sultan ng Johor na naghahari sa Singapore. Kasapi ang islang ito sa bansang Malaya na ngayon ay tinatawag na Malaysia. Sakop din ng Britanya ang karamihan ng Malaysia, nagkaroon ng tratado sa Sultan ng Johor na pinapayagan ang Britanya (Britain) na magtayo ng trading post sa nasabing isla. Kaya rito nagsimula na magkaroon ng kolonya ang Britanya. Lumago ang nasabing isla at dumami ang mga residente na nagmula sa Britanya.

Noong ikalawang digmaan (WW2), sinakop ang Singapore ng mga Hapon. Pagkatapos ng digmaan noong 1945, ibinalik muli ito sa Britanya. Unti-unti ay nagkaroon ng awtonomiya sa pagpapalakad ng pamahalaan ang Singapore na pinapatakbo ng Britanya.

Subalit pagkatapos ng WW2, nagkaroon ng pederasyon ang Malaysia at Singapore at tinawag itong ‘Malaysia’ noong 1963. Nguni’t malimit na nagkakaroon ng alitan sa nasabing pederasyon. Kaya naman tinanggal ang Singapore sa nasabing grupo na naging hudyat ng pagi­ging malayang bansa ng Singapore noong ika-9 ng Agosto 1965.

Dumaan din sila sa matinding hamon tulad ng kakulangan sa pabahay at unemployment. Kaya naman nagpursigi ang nasabing bansa upang iangat ang kanilang ekonomiya. Noong mga panahon ng 1970 pataas, tumuon ang pamahalaan ng Singapore sa manufacturing industry at pinalawak ang edukasyon at murang pabahay sa mga mamamayan ng Singapore.

Pagdating ng panahon ng 1990, ang Singapore ay isa sa pinaka maunlad na bansa sa buong mundo. Lumakas ang tinatawag na free market economy nila at naging sentro ito ng malalaking negosyo sa Europa, Middleast at America.

Ang nangyari sa Singapore ay maaring pamarisan ng mga kapitbahay niyang bansa sa Southeast Asia. 54 na taon lang ang nakalipas mula nang magkaroon ng kasarinlan ang Singapore at isa na sila sa pinakamaunlad na bansa sa mundo. Samantalang tayo ay naggunita ng ika-121 na taon ng kasarinlan noong Hunyo 12. Kayo na ang gumawa ng konklus­yon.

Comments are closed.