ISA nang ganap na batas ang Republic Act 11468 na nagdedeklara tuwing ikatlong linggo ng Nobyembre bilang National Day of Remembrance para sa lahat ng biktima ng road crash, survivors at mga pamilya nito.
Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noong Enero 23, 2020.
Nakasaad sa batas na magkakaroon ng mga aktibidad para sa mga biktima ng aksidente at survivors tulad ng pag-aalay ng bulaklak, special blood donations, recognition ceremony at iba pang uri ng multi-sectoral activities at public awareness campaign gayundin ang pagtukoy sa mga lugar bilang memorials na siyang pagdadausan ng mga nabanggit na aktibidad.
Ang Department of Transportation (DOTr) ang mangunguna sa bubuuing national working committee para sa implementasyon ng mga aktibidad na nakapaloob sa naturang batas.
Makakatuwang ng DoTr ang Department of the Interior and Local Government, Land Transportation Commission, Land Transporation Franchising Regulatory Board at Metro Manila Development Authority para sa maayos na inplementasyon ng mga aktibidad na isasagawa sa araw ng paggunita.
Layunin ng batas na mapaigting ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagsasakatuparan ng mga road safety measures sa pamamagitan ng collaborative platform katuwang ang mga kinauukulang stakeholders at matukoy ang mga sanhi at resultang dulot ng road crash accidents na kadalasan ay kumikitil sa buhay ng mga motorista. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.