NATIONAL DENGUE ALERT

DENGUE ALERT

NAGDEKLARA na kahapon ang Department of Health (DOH) ng national dengue alert kasunod na rin ng mabilis na pagdami ng naitatala nilang mga kaso ng naturang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok sa ilang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeklara sila ng natio­nal dengue alert upang mabalaan ang publiko laban sa naturang karamdaman na maaaring makamatay.

“This is the first time that we’re declaring a national alert. Because the objective is very clear. We want to raise awareness among the public and more importantly, in communities where signs of early dengue increases are evident,” anang kalihim, sa isang pulong balitaan.

Iniulat pa niya na mula Enero hanggang Hunyo 29 lamang ng taong ito ay umabot na sa 106,630 kaso ng dengue ang kanilang naitala sa buong bansa.

Mas mataas ito ng 85 porsiyento kumpara sa naitala nilang kaso ng sakit sa kaparehong panahon noong taong 2018.  Sa nasa-bing bilang, 450 pasyente na  ang nasawi.

Nabatid na pinakamaraming naita­lang dengue cases sa Western Visayas na umabot ng 13,164 kaso, sumunod ang Calabarzon (11,474 cases), Central Visayas (9,199 cases), Soccskargen (9,107 ca­ses), at Northern Min­danao (8,739 cases), na lumampas na sa epidemic threshold.

Mahigpit anila ang kanilang monitoring sa sitwasyon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Vi-sayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Cordillera Administrative Region, na lumampas naman sa alert threshold.

Mabilis namang nilinaw ng kalihim na walang natio­nal epidemic ng sakit, kundi localized epidemic lamang.

“We don’t have a national epidemic. It’s loca­lized. As I have mentioned, the top among the regions would be Western Visayas, followed by Calabarzon, Central Visayas, Soccsksargen and Northern Min­danao. There is no national epidemic but there is certain-ly regional,” aniya pa.

Nauna rito, sinabi ni Duque na inaasahan nilang tataas ang dengue cases ngayong taong ito matapos na maobserbahang nagka-karoon ng pagdami ng mga kaso ng sakit, tuwing ikatlo o ikaapat na taon.

Aniya, huling nagkaroon ng pagdami ng mga kaso ng sakit noong 2016 kaya’t inaasahan na nilang ngayong 2019 ay muli na namang darami ang mabibiktima ng dengue.

Dagdag pa niya,  ito’y isang phenomenon, na hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya.

Samantala, ayon naman kay World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Gundo Weiler, hindi lamang sa Fil-ipinas nagkakaroon ng pagdami ng dengue cases, kundi maging sa buong mundo.

Sanhi nito, mahigpit ang paalala niya sa publiko na maging maingat upang hindi dapuan ng naturang karamdaman, na nakukuha sa kagat ng lamok.

Muli rin namang nagpaalala ang DOH sa publiko hinggil sa kahalagahan ng ipinatutupad nilang 4S Strategy laban sa  dengue, kabilang dito ang ‘Search and destroy mosquito breeding places,’ ‘secure self-protection,’ ‘seek early consultation’ at ‘support fog-ging/ spraying only in hotspot areas.’

Payo pa ng DOH, sakaling dapuan ng ilang araw na lagnat ang pasyente at makitaan ng mga sintomas ng sakit ay kaagad nang kumonsulta sa doktor upang maagapan ito.

Nabatid na ilan sa mga sintomas ng sakit ay ilang araw na mataas na lagnat; pananakit ng ulo, likod ng mata, mga kasukasuan at kalamnan; labis na pagkapagod, pagsusuka, pagkahilo, at pagkakaroon ng rashes sa balat. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.