KASUNOD ng nakaaalarmang pagtaas ng dengue cases sa ilang rehiyon ay tuluyan nang nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng National Dengue Epidemic.
Mismong si Health Secretary Francisco Duque III ang nagsagawa ng deklarasyon sa isang pulong balitaan sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Ayon kay Duque, nagpasya silang magdeklara ng National Dengue Epidemic matapos na makapagtala ng kabuuang 146,062 dengue cases sa bansa, mula Enero hanggang Hulyo 20 lamang.
“…we declare a national dengue epidemic, in the wake of the 146,062 dengue cases recorded in January up to July 20 this year,” ani Duque.
Ang naturang kabuuang bilang aniya ay 98% na mas mataas na kahalintulad na petsa na naitala nila sa nakaraang taon.
Anang kalihim, sa naturang bilang, umabot ng 642 ang namatay dahil sa naturang sakit, o may .04% case fatality rate, na napakataas aniya.
Nabatid na pinakamaraming naitalang kaso sa Western Visayas, na may 23,330; sumunod ang Calabarzon na may 16,515; Zamboanga Peninsula na may 12,317; Northern Mindanao na may 11, 455 at Soccsksargen na may 11,083.
May pitong rehiyon naman aniya ang lumampas na rin sa epidemic threshold ng dengue sa kanilang rehiyon sa loob ng nakalipas na tatlong linggo, kabilang ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.
Ang iba namang rehiyon ay lumampas umano sa alert threshold level, kabilang ang Ilocos, Central Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“The total number of cases nationwide for the 29th morbidity week alone representing the period July 14 to 20, is 10,502 cases. And this is 71% higher compared to the same period in 2018, where there 6,128 reported,” ani Duque.
“It is important that a national epidemic be declared in this area to identify where a localized response is needed.. and enable local government units to use their quick response fund to address the epidemic situation,” paliwanag pa ng kalihim.
Kaugnay nito, sinabi ni Duque na simula nitong Martes, ang DOH, kasama ang iba pang government agencies, mga local government unit, mga paaralan, mga tanggapan, at mga komunidad ay inaasahang magsasagawa ng ‘Sabayang 4 o’clock habit para Dengue out.’
Layunin nito na hanapin at puksain ang mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok na may hatid na dengue.
Isa lamang aniya ito sa mga pangunahing intervention na gagawin upang maiwasan at makontrol ang dengue. Kaakibat ito sa kanilang 4S Strategy Kontra Dengue.
“Kaya sabay-sabay tayo mag-search and destroy tuwing alas-4:00 ng hapon, para Dengue out. We’d like to urge the public to follow suit as what we have done,” panawagan pa niya sa publiko.
Paalala pa ni Duque, wala pang gamot at bakuna laban sa dengue kaya’t ang pag-iingat lamang ang tanging pamamaraan na maaari nating gawin upang maiwasan ang pagkalat ng dengue. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.