IGINIIT ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na itigil na ang pag-imprenta ng National ID at gawin na lamang itong digital.
Ito ay dahil 50 porsyento pa lamang ang kabuuang naipi-print na National ID.
Sinabi ng senador na maaaring mas maginhawang kumuha ng digital ID kaysa maghintay na mai-print ang mga ID na ito.
“Siguro pwede natin i-stop ‘yon then we’ll go digital. Maka-save pa ng pera ang gobyerno. Lahat naman ng Pilipino, may cellphone. Maka-save pa tayo ng pera kung hindi natin i-print ang remaining,” ayon kay Dela Rosa sa Senate budget hearing ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nakapaghatid ito ng 39.7 milyong national IDs sa 80.7 milyong rehistradong indibidwal.
Binigyang-pansin din ni Committee on Finance Vice Chairperson Senator Sherwin Gatchalian ang mga logistical issues na kinakaharap ng produksyon ng mga pisikal na ID na maaaring ikonsidera sa buong paglipat sa mga digital ID.
“It saves a lot of time. It saves logistics issues. Kasi the physical cards, you have to deliver. ‘Pag wala doon, ibabalik pa. Minsan nakukuha ng iba tapos nawala,” ani Gatchalian. LIZA SORIANO